Niloko ako ng mahal ko
Dear Dr. Love,
Bago po ang lahat, taos-puso akong bumabati sa inyo ng magandang araw at sariwang pangungumusta.
Ako po si Maki Seludo, 31 years-old at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.
Nais ko pong ibahagi sa libu-libo ninyong tagasubaybay kung bakit ako napasok dito at kung ano ang dinanas kong kaapihan sa buhay.
Noon pong 2001, nagtrabaho ako sa Saudi Arabia bilang electrical technician.
Bago po ako umalis sa Pinas, mayroon akong live-in partner na tawagin nating “Krystal”. Halos minahal ko siya nang buong katapatan.
Habang nandoon ako sa ibang bansa, tuwing sahod ko, kaagad ko siyang pinadadalhan noon ng mga gamit sa bahay, damit at pera. At ‘yong sobra, ipinalalagak ko sa kanya sa bangko para mayroon kaming maipon na pambili ng pinapangarap kong lote at bahay.
Noong 2003, bumalik ako sa Pinas. Tapos na ang aking kontrata. Pero ang masaklap nito, mayroon nang ibang boyfriend ang live-in partner ko.
Hindi ko matanggap ang balitang ito. Tinatanong ko ang aking sarili kung saan ako nagkamali at bakit niya ito nagawa sa akin.
Napakasakit po ang pangyayaring ito. Kung kailan ko siya minahal nang todo, niloko lang niya ako.
Very unfair ang naging trato niya sa akin. Hindi niya pinahalagahan ang aking pagmamahal.
Kahit alam ko na niloko niya ako, hindi ko pa rin magawang pagsabihan siya sa sobrang pagmamahal ko sa kanya.
Nagkaroon uli ako ng panibagong problema nang magkakaso ako ng possession of illegal drugs. Nasentensiyahan ako ng anim hanggang walong taong pagkakulong.
Habang nandito ako, napagpasiyahan kong magpatuloy ng pag-aaral.
At kung maaari rin po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat po at more power to you.
Lubos na gumagalang,
Maki Seludo
Medium Security Compound,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Maki,
Talagang ang pag-ibig ay mahirap ispelengin. Kung kailan mo minamahal nang todo ang nobya mo ay saka naman ang isusukli sa iyo ay kataksilan.
Pero hindi naman natin nilalahat ang mga babae. Marami ring mga lalaki na taksil sa babae.
Kaya sa isang relasyon, kailangan ang kaunting higpit at kaunti ring luwag para hindi ma-suffocate ang kasintahan.
Kailangan din ang ganap na unawaan, katapatan at pagiging bukas ang komunikasyon sa isa’t isa. Ganito rin ang dapat sa isang mag-asawa.
Marahil, nainip na rin ang live-in partner mo sa tagal na wala ka kaya ang kalungkutan niya ay hinanap niya sa iba.
Hayaan mo, hindi naman sa lahat ng pagkakataon, pera ang nakapagpapaligaya sa tao.
Pagbutihin mo ang pagsisilbi sa sentensiya sa iyo at huwag na uling magkakamali na mag-ingat ng droga.
Sana sa pamamagitan ng liham na ito, magkaroon ka ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love
- Latest
- Trending