Huli sa akto pero...

Dear Dr. Love,

Greetings in the name of our Lord Jesus Christ!

Nawa po’y sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalagayan.

Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column at tulad din ng iba na nagpahatid na ng kani-kanilang mga problema, nais ko rin pong ibahagi ang mapait kong karanasan sa pag-ibig.

Dr. Love, isa po akong balikbayan at naisipan kong hindi na bumalik sa ibang bansa para muling maki­pag­sapalaran. Ako naman po ay kuntento na sa aking na­ipong gamit, alahas at pera.

Kaya noong 1995, nagpasya akong mag-apply sa trabaho dito at napasok ako sa isang kompanya ng electronics sa Laguna. Mapalad ako at napasok kaagad akong assistant supervisor.

By the way, ako nga pala si Ryan Frias, 36 years-old. Sa kompanyang pinapasukan ko ay may malapit na mall at dito ko nakilala si Angel na isang saleslady. Mabait siya, maganda at romantika. Naakit kaagad ako sa kanyang mga katangiang ito.

Madalas kaming sabay na mag-off ni Angel kaya kami’y nanonood ng sine, namamasyal at kumakain sa labas.

Dahil sa madalas kaming magkasama sa lakad, nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Kaya’t nagpasya kami na mag-live-in at magsama sa ilalim ng isang bubong.

Night shift ako sa aking pinapasukang trabaho sa­mantalang si Angel ay morning shift.

After nine months ng aming pagsasama, marami nang nakakarating sa aking mga sitsit mula sa mga kapit­bahay na kesyo sa tuwing ako’y aalis, mayroon umanong lalaking pinatutuloy sa bahay si Angel.

Ayaw kong paniwalaan ito. Ngunit nang magsi­mulang manlamig si Angel sa aming relasyon, nagkaroon na ako ng duda sa kanya.

Isang araw, nagkunwa akong papasok sa trabaho. Pero nanood ako ng sine. Pero bago ako pumasok ng sinehan, dumaan muna ako sa isang jewelry store. Na­alala ko na 1st anniversary na namin ni Angel. Binilhan ko siya ng engagement ring.

Mag-aalas-dose na ng gabi nang lumabas ako sa sinehan. Umuwi ako ng bahay para sorpresahin si Angel.

Diretso ako sa aming silid. Pero ang bumulaga sa akin ay ang paglalaro ng apoy ni Angel kasama ang isang lalaki na hindi ko kilala.

Mabilis kong kinuha ang kutsilyo sa aming kusina, bumalik sa silid at pinagsasaksak ko ang naturang lalaki na pumugay ng aking dangal sa mismong aking tahanan.

Boluntaryo akong sumuko sa mga alagad ng batas. Ngunit ang masakit nito, sa paglilitis ng kaso, si Angel pa ang tumayong testigo ng kalaban ko sa kaso.

Nahatulan akong mabilanggo mula 12 taon hanggang 17 taon. Sa kasalukuyan, nag-aaral ako sa loob ng bilangguan ng kursong computer programming at vocational skills sa ilalim ng TESDA.

Sana ay magsilbing aral sa lahat ang aking naging kasaysayan sa pag-ibig. Nais ko rin sanang magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Ryan Frias

I-C Student Dorm,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Ryan,

Sa dalawang nagmamahalan, kailangang may kasukling pagmamahal ang bawat isa. Hindi lang pag­mamahal kundi respeto at pagbibigayan sa isa’t isa.

Kung wala ang mga sangkap na ito, hindi masa­sabing nag-iibigan kayo ng nobya mo. Kung ikaw lang ang mapagbigay at umuunawa ay hindi ka niya mahal.

Ang sabi mo, lahat ng kapritso ni Angel ay ibinibigay mo. Hindi kaya pera mo lang ang ginusto niya sa iyo?

Sa pag-iibigan, kailangang kinikilala ng bawat isa ang ugali, personalidad at pagkatao ng bawat isa sa inyo.

Hindi makatarungan na ikaw lang ang magsa­sak­ripisyo at palaging magbibigay. Hindi ka niya mahal.

Sadyang kumukupas ang pagmamahal kung walang malalim na pundasyon ang pag-iibigan. Marahil, kumupas ang pagmamahal niya sa iyo dahil wala siyang seguridad. Nagsasama lang kayo sa ilalim ng iisang bubong nang walang basbas ng pari o huwes. Hindi kaya?

Sa uulitin, ang kukunin mong partner ay ‘yong kilala mo at kilala ka rin.

‘Yong alam mong hindi ka ipagpapalit sa iba at hindi dudungisan ang iyong pagkatao at iiputan ang iyong ulo.

Hindi kailangang maging maganda ang isang babae kung ang kalooban naman niya ay hindi maganda. Hindi ba? Makakakilala ka rin ng ganitong babae. Good luck at God bless.

Dr. Love

Show comments