Lasenggong mister
Dear Dr. Love,
Ako po si Samantha, 35-anyos. Ang problema ko ay tungkol sa mister ko na araw-araw ay umuuwing lasing. Matanda siya ng walong taon sa akin.Negosyante po siya at hindi naman siya nagkukulang sa pinansyal na sustento sa kanyang pamilya. Iyan naman lagi ang ginagawa niyang katuwiran. Kesyo nagsasakripisyo raw siyang buhayin kaming pamilya at ang tanging libangan lang niya ay pag-inom.Gayunman, hindi ko na siya makausap nang maayos. Maaga kung umalis ng bahay at pag-uwi ay langung-lango sa alak.Wala naman siyang ibang bisyo kundi iyon. Katuwiran niya, hindi naman siya nagkukulang sa pagtutustos sa aming pangangailangan kaya pabayaan na lang siya sa kanyang tanging libangan. Hindi naman daw siya nambababae.Hindi ko na lamang ba siya papansinin at pabayaan sa kanyang hilig? Iniisip ko kasi na baka hindi siya magtagal sa mundong ito dahil sa sobrang pagkahaling sa alak. Hindi ko naman siya mapagsabihan dahil nagagalit siya’t inaaway ako. Ano ang dapat kong gawin?
Samantha
Dear Samantha,
Malamang nga na hindi magtagal ang buhay niya dahil sa sobrang pag-inom. Very damaging iyan sa atay at posibleng pagmulan pa ng sakit sa puso.Sa tingin ko, alcoholic na ang asawa mo at nangangailangan ng rehabilitasyon. Kaso, mahirap kumbinsihin ang taong ayaw magpakumbinsi.Subukan mong kumausap ng isang malapit na kaanak na puwedeng humimok sa kanya. Don’t give up dahil asawa mo siya. Subukan mo ring himukin siyang dumalo ng mga prayer meetings at Bible studies dahil madalas, ang pagkaunawa sa Salita ng Diyos ay nagbubunga ng himala para baguhin ang isang tao.Kung ayaw pa rin niya, at least ginawa mo na ang lahat para mawala ang masama niyang bisyo. Madalas, may mga bagay tayong gustong mangyari sa ating mga mahal sa buhay na hindi nangyayari dahil sarado ang mata niya sa mga payo.Kung magkagayon, ipaubaya mo na lang sa Diyos ang lahat.
Dr. Love
- Latest
- Trending