Dear Dr. Love,
Ako po si Edilberto Bueno, 34 years-old, nakapiit dito sa Medium Security Compound ng pambansang piitan.
Kung paano ako napunta rito sa bilangguan ay isang malaking bangungot sa aking buhay na ang puno’t dulo ay ang pagkalango sa ispiritu ng alak.
Inimbita ako ng aking kaibigan para mag-inuman sa kanilang bahay dahil birthday ng kanyang panganay na anak.
Naparami yata ang aming nainom kung kaya’t ang aming diskusyon ay nauwi sa pagtatalo.
Ang hindi ko alam, masyado nang naapektuhan ang kanyang utak ng sobrang dami ng agua de patarantang nainom niya kaya’t walang sabi-sabi, inundayan niya ako ng saksak.
Sabay kaming humarang ng kanyang asawa kaya’t ito ang tinamaan.
Nasunggaban ko ang kaibigan ko at nagpambuno kami hanggang sa maagaw ko sa kanya ang patalim.
Sakto namang dumating ang mga pulis at ako ay kanilang inaresto sa bintang na ako ang sumaksak sa asawa ng aking kaibigan.
Sa ngayon, nakakulong ako sa bintang na ako ang sumaksak sa asawa ng kaibigan ko.
Hindi ko matanggap na nakulong ako sa isang pagkakasalang hindi ko nagawa.
Lubos akong nangungulila sa aking anak pagka’t single parent ako.
Sana po, kapulutan ng aral ang maikli kong kuwento at dalangin ko sa ating Panginoon na lalo pang dumami ang mga mambabasa ng inyong column.
Maraming salamat po at lubos ang aking pagsisisi sa nangyari.
Sumasainyo,
Edilberto Bueno
4-D Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Edilberto,
Maraming mga pangyayaring hindi inaasahang maganap pero nangyayari dahil sa masamang bisyo.
Hindi masama ang uminom sa ngalan ng pakikisama. Pero ang ininom ay hindi dapat na ilagay sa ulo kundi sa tiyan. Huwag uminom ng sobra sa kakayahan.
Kaya nangyari sa inyong magkaibigan ang magkaengkuwentro ay dahil pareho kayong lango sa alak.
Sana, pagbutihin mo ang pagpapatuloy na pag-aaral mo diyan sa loob para maging makabuluhan ang pagsisilbi mo ng naging hatol sa iyo.
Pag-aralan mo na ring iwasan ang alak para makaiwas sa basag-ulo.
Sana sa paglaya mo, iukol mo na ang sarili sa pagpapalaki ng iyong anak at pagpapaunlad ng inyong kabuhayan.
Dr. Love