Dear Dr. Love,
Ako po ay isang 64-anyos na matandang dalaga. Tawagin mo na lang akong Aling Tuding. Hindi ko pinagsisisihan ang hindi ko pag-aasawa dahil ako’y maligaya sa piling ng aking pamangkin sa kapatid. Dalawa sila ako ang nagpalaki pero ang isa’y nag-asawa ng Amerikano.
Magmula nang mamatay kapwa ang kanilang mga magulang, ako na ang nagpalaki at nagpaaral sa kanila.
Ang isasangguni ko ay problema ng aking pamangkin na may asawa na rin. Tawagin mo na lang siyang Eloisa. Sa akin sila nakapisan pati na ang kanilang dalawang anak.
Ang isa ko pang pamangkin ay de pamilya na rin at ang buong pamilya niya ay permanente nang naninirahan sa Amerika.
Batugan ang asawa ni Eloisa. Dati’y nagtatrabaho siya pero sapul nang matanggal siya sa trabaho ay hindi na siya nagsikap. Umaasa na lang sila sa kita ng aking grocery.
Nahihiya naman akong pagsabihan ang lalaki. Sinabi ko kay Eloisa na pagsabihan niya ang kanyang asawa pero hindi naman niya ginagawa.
Ano ang dapat kong gawin?
Aling Tuding
Dear Aling Tuding,
Iyan ang problema sa ating mga Pilipino. Masyadong kimi na sumita sa taong nagkakamali. Kung nagmamalasakit ka sa iyong pamangkin na itinuturing mo nang anak, the more na dapat mong ituwid ang maling ginagawa ng kanyang asawa.
Siguro’y hindi na mahaba ang panahong itatagal mo sa daigdig. Papaano kung wala ka na?
Pagsabihan mo ang asawa ni Eloisa na magsikap at magbanat ng buto dahil hindi sa habang panahon ay ikaw ang aaruga sa kanila.
Dr. Love