Patuloy na mangangarap
Dear Dr. Love,
Isa po ako sa maraming masusugid na tagasubaybay ng inyong column. Naisipan kong humingi ng payo sa aking kasalukuyang kalagayan.
Ang suliranin ko po ay kung paano ko hahanapin ang bukas. Kung mayroong magmamalasakit sa isang tulad ko. Mayroon pa kayang makikinig sa aking mga hinaing? Mayroon pa kayang tatanggap sa akin bilang ako? Higit sa lahat, mayroon pa kayang magkakamaling magmahal sa akin?
Simula pa noong ako ay magkaisip, namulatan ko ang aking ina-inahang matanda na. Siya ang nagkuwento sa akin kung sino ako sa totoong buhay.
Kasisilang ko pa lang nang ako ay mapulot ng kinagisnan kong ina-inahan. Inalagaan niya ako hanggang sa siya ay mamatay.
Mahirap lamang siya at wala rin siyang malapit na kamag-anak upang ako ay ipakupkop nang siya ay malapit nang sumakabilang-buhay.
Mula noon, nag-iisa na akong namumuhay. Laman na ako ng mga kalye ng Maynila. Naging tirahan ko na ang Luneta kasama ang iba pang kapwa ko binatilyo na wala ring maituturing na mga magulang.
Para kaming mga bulag na hindi alam ang hagdan ng tahanan at kung sino ang ka-pamilya namin. Para kaming lumalangoy sa malawak na karagatan na walang nakikitang barko na sasaklolo o kaya’y isla na mapupuntahan.
Simula rin noon, natuto na akong mamuhay nang ilegal kasama ang mga tinatawag na “ligaw na kalapati na mababa ang lipad sa hatinggabi.” Hanggang sa maging ambisyoso ako sa buhay. Naengganyo akong gumawa ng masama. Magkaroon lang ng maraming pera. Pangarap ko noon na magkaroon ng sariling bahay at lupa, maayos na mapagkikitaan, maginhawa at masayang pamilya. Pero sadyang mailap ang mga pangarap ko sa buhay.
Sa ngayon nga ay nakapiit ako dito sa pambansang bilangguan at malapit na rin akong lumaya. Magtagumpay pa kaya ako sa aking mga pangarap?
Sa pamamagitan po ng mapagpala ninyong payo, nawa’y maliwanagan ninyo ang aking isipan at sa pamamagitan din ng tulong ninyo, sana’y magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na makakaunawa sa akin sa aba kong kalagayan ngayon.
Salamat po at lubos na gumagalang,
Ludivico “Rudy” Canedo
Dorm 232 Bldg. 2, MSC,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Rudy,
Salamat sa liham mo at nauunawaan ko ang iyong damdamin.
Pero sa kabila ng mga kasawian mo sa buhay, sikapin mong gandahan ang disposisyon sa buhay. Ang isipin mo lang, marami kang dapat na ipagpasalamat dahil sa kabila ng wala kang pamilya, nabuhay ka at mayroong nagmagandang-loob na bumuhay at kumupkop sa iyo.
Ang pangyayaring ito ay dapat mong isaisip na may magandang misyon para sa iyo ang ating Panginoon. Ninais Niyang lumaki ka sa kabila ng kahirapan at naranasan mo ang kahirapan ng buhay para sa sandaling bumuti na ang buhay mo, may mapagkukumparahan ka kung paano matuwa at maging maligaya.
Huwag mong isipin na palagi kang nasa ibaba dahil iyong nasa ibaba, walang ibang pupuntahan kundi sa itaas.
Huwag kang magsasawang tumawag sa Diyos para gabayan ka ng tamang direksiyon ng buhay. Makikita mo, malalampasan mo ang lahat na pagsubok ng buhay nang hindi mo nalalaman.
Nakita mo naman ang istratehiya ng buhay. Gumawa ka naman ng mabuti at matutuhan mo sanang magtiyaga para makalaya ka sa kahirapan.
Sana, nag-aral ka diyan sa loob para paglaya mo, mayroon kang magandang puhunang masasandalan. Paglaya mo, mahirap lang ang magsimula uli sa wala. H’wag ka nang bumalik sa dating gawi. Wala kang mapapala rito.
Dr. Love
- Latest
- Trending