Third party
Dear Dr. Love,
Nagpupugay ako sa iyo at sa libu-libong tagasubaybay ng iyong very popular column. Tawagin mo na lang akong Lucille, 26-anyos at may asawa.
Ang problema ko sa puso ay tungkol sa aking asawa na nawalan na ng init sa aming relasyon. Limang taon na kaming kasal ni Ernie at hindi naman siya dating ganoon.
Malambing siya noong araw. Kahit katamtaman lang ang kinikita namin ay maligaya kami sa piling ng aming dalawang anak.
Nagsimula ang kanyang panlalamig nang magkaroon kami ng sariling negosyo. Hindi mo naitatanong, nang mamatay ang mga magulang ni Ernie ay ipinamana sa kanya ang negosyong maliit na restoran. Nagbitiw siya sa dati niyang trabaho at personal na pinamahalaan ang negosyo.
May nababalitaan akong mayroon siyang kinalolokohang waitress sa restoran na iyon.
Tuwing tatanungin ko kung ano ang problema, ako pa ang kanyang pinagsusungitan.
Ano ang dapat kong gawin? Masyadong mabigat na ang aking pinapasang problema.
Lucille
Dear Lucille,
Kailangan ninyong mag-usap at magkaunawaan. Sa tingin ko’y kailangan ninyong sumangguni sa marriage counselor para maresolba ang inyong problema.
Pero kailangang maging matatag ka in opening your line of communication. Importante iyan sa pagsasama ng sinumang mag-asawa. Kung walang talastasan, napapaiwara ang relasyon.
Tanungin mo siya kung ano ang hindi niya gusto sa iyo at sikapin mong bumagay sa kanyang gusto. Ipaunawa mo sa kanya ang halaga ng pagiging matatag ng inyong relasyon alang-alang sa dalawa ninyong anak.
Dr. Love
- Latest
- Trending