Obligasyon sa kapatid

Dear Dr. Love,

Ako si Nestor, 38-anyos at binata pa hangga ngayon.

Nagtatrabaho ako bilang isang bank supervisor sa isang rural bank at kaya ako hindi nakapag-asawa ay dahil sa kahirapan ng aking pamilya. Panganay ako sa limang magkakapatid at ako ang nagpatapos sa dalawa na pareho nang may trabaho. Dalawa pa ang pinag-aaral ko.

Matanda na rin ang aking mga magulang. Tatlong kasintahan na ang nagdaan sa aking buhay at lahat sila’y kumalas sa akin dahil hindi ko sila mapakasalan dahil sa obligasyon ko sa aking mga kapatid.

Ngayon ay may bago akong kasintahan na mas nakauunawa. Pero gusto na rin niyang magpakasal dahil tumatanda na raw kami.

Sabi niya’y tutulungan niya ako na mapagtapos ang dalawa ko pang kapatid pero nahihiya ako. Ano ang gagawin ko?

Nestor

 

Dear Nestor,

May obligasyon ka rin sa iyong sarili. Karapatan mong bumuo ng sarili mong pamilya. Ngayong dalawa na sa mga kapatid mo ang natapos at may trabaho, bakit hindi naman sila ang magtaguyod sa dalawang nag-aaral pa?

Unfair yata kung ikaw ang babalikat sa lahat ng obligasyon. Kausapin mo ang mga kapatid mo at hikayating sila naman ang sumagot sa edukasyon ng dalawa pa ninyong kapatid.

Dr. Love

Show comments