Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Lagrimas. Hindi iyan ang totoo kong pangalan pero napili kong gamiting alyas dahil bagay na bagay sa akin. Ang kahulugan nito’y kalungkutan.
Batbat ng kalungkutan ang buhay ko sapul nang ako’y magdalaga. Ngayo’y 45-anyos na ako at tila wala pa ring maaninag ni bahagyang kaligayahan.
Lagi akong sawi sa pag-ibig. Ang una kong pakikipagrelasyon ay nangyari nang ako’y 19- anyos pa lang. Naibigay ko sa lalaking ito ang aking pagkadalaga para lamang layuan niya ako pagkatapos.
Lima pang kasintahan ang dumaan sa akin na pawang ganyan din ang nangyari. Hanggang sa magkaanak ako sa huli kong kasintahan na napilitang pakasalan ako dahil sa aking kalagayan.
Pero hindi pala garantiya ang kasal. Dalawang taon lang kaming nagsama at iniwanan niya ako. Ngayo’y tapos na ng kolehiyo ang anak kong babae. Pinagagalitan ko siya kapag may nanliligaw sa kanya. Ayaw kong sapitin niya ang mapait kong karanasan.
Tama kaya ang ginagawa kong pagpapalaki sa anak ko?
Lagrimas
Dear Lagrimas,
Mali. Nasa wastong gulang na ang iyong anak at may karapatan din siyang umibig at ibigin. Puwede mo siyang pagpayuhan pero ang pigilan ang kanyang puso ay maling-mali.
Kasalanan mo rin naman kung bakit ka nagkaganyan. Masyado kang tiwala sa bawat lalaking nakarelasyon mo at agad mong isinusuko ang pagkababae mo.
Sabihin mo sa iyong anak na ingatan ang kanyang pagkababae kung siya ma’y papasok sa anumang relasyon. Ang pagkadalaga ay isinusuko lamang sa lalaking pakakasalan dahil tunay na minamahal.
Dr. Love