Dear Dr. Love,
Fourth year high school nang pumanaw ang mahal kong ama na isang prison guard sa Davao Penal Colony sa Dapecol, Davao del Norte. Naiwanan kami ng Mama ko sa Luzon at paminsan-minsan lang kami nagkikita noon.
Hindi namin nalaman agad na nagkaroon pala ang Papa ko ng mga anak sa ibang babae. Maluwag kong tinanggap na may mga kapatid ako sa labas, sina Rosally at Pipot Ang.
Gusto kong makilala ang mga kapatid ko sa labas kaya nagtungo ako sa Davao del Norte. Ngunit hindi ko agad sila nakita.
Minabuti kong maghanap ng trabaho at natanggap ako bilang isang security guard sa Limso Hospital. Dito ko nakilala ang babaeng nagpatibok ng aking puso. Naging mailap pa rin sa akin ang kapalaran dahil kinidnap ng mga bandido ang girlfriend ko, ni-rape at pinatay.
Araw at gabi kong iniyakan ang trahedyang ito sa aking buhay. Makalipas ng tatlong taon, naka-recover ako at naging empleyado ng Davao City Hall. Dito ay nakakilala ako ng babae na muling nagpatibok sa aking puso.
Pero kay laking malas ko dahil minsang umuwi ako nang maaga mula sa trabaho, nahuli ko siya sa akto na nakikipagtalik sa ibang lalaki.Tumalikod na lang ako bago magdilim ang aking paningin at may magawang hindi maganda sa kanila.
Pinutol ko noon din ang ugnayan namin ni Brenda. Minabuti ko na lang na ituon ang pansin sa paghahanap ko sa aking mga kapatid sa ama. Ngunit nanatili pa rin akong bigo at unti-unti akong nawalan ng pag-asa.
Minsan, naisip kong tumigil na muli sa trabaho at umuwi na sa Luzon. Ngunit bago ko naisakatuparan ang aking plano, nakapatay ako tao, isang ka-empleyado ko sa City Hall na pinamamahayan ng inggit sa akin.
Ngayon, naririto ako sa piitan sa Dapecol. Ang hindi ko inaasahan, dito ko lang pala matatagpuan ang aking half sister na si Rosally na isang empleyado ng Davao Prison and Penal Farm at ang half brother ko ay nandito rin sa Dapecol pero isa siyang pipi at bingi.
Nahihiya akong magpakilala kay Ma’m Rosally dahil magkaiba ang ginagalawan naming daigdig. Isa akong bilanggo samantalang siya ay isang nirerespetong empleyado. Wala akong lakas ng loob na magpakilala sa kanila. Ano po ba ang dapat kong gawin?
Sana po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na makakaunawa sa aking sitwasyon.
Lubos na gumagalang,
Ronnie M. Ang
Maximum Compound,
8105DPPF, Dapecol,
Davao del Norte
Dear Ronnie,
Matagal mong pinaghahanap ang mga kapatid mo sa labas at ngayong natagpuan mo na sila, hindi mo naman magawang magpakilala at kilalanin ka nila bilang half brother. Humanap ko ng magandang tiyempo na magpakilala sa kanila kahit nasa ganyan kang kalagayan. Kung hindi man nila kilalanin bilang kapatid, at least naipaabot mo sa kanila ang iyong intensiyon.
Huwag mong ikasasama ng loob kung anuman ang maging reaksiyon nila sa iyong hangarin. Ang pagkakapasok mo sa bilangguan ay bahagi ng iyong paghahanap sa kanila.
Hangad ng pitak na ito na maisakatuparan mo ang layuning makausap ang iyong mga kapatid sa ama. Magkaroon ka rin sana ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love