Dear Dr. Love,
Isang mainit na pagbati sa iyo at sa staff ng PSN. Tawagin mo na lang akong Lily ng Novaliches, Quezon City.
Five years-old pa lang ako nang tamaan ako ng sakit na polio. Since then, lumaki ako na maliit ang isang binti at pipilay-pilay kung maglakad.
Kahit tampulan ako ng tukso ng aking mga kaklase, tiniis ko ito upang makapagtapos kahit high school man lang.
Hanggang magdalaga ako ay wala akong maraming kaibigan. Ewan ko, siguro’y nagkaroon ako ng inferiority complex.
Hanggang isang araw na kasama akong namamalengke ng aking tiya, may nakilala akong lalaki. Isang driver na nagde-deliver ng paninda. Tawagin mo na lang siyang Rodil. Kinausap niya ako at nakipagkilala at kinuha pa niya ang address ko.
Akala ko’y nagbibiro lang siya pero isang araw ng Linggo ay dinalaw niya ako sa bahay. Ipinakilala ko siya sa aking mga magulang. Pero pinaalalahanan ako ng mga magulang ko na mag-ingat at baka lokohin lang ako. Sino raw ba ang seseryoso sa kalagayan kong isang pilantod?
Pero naging maginoo si Rodil. Nagkaibigan kami at nagulat ang mga magulang ko nang mamanhikan siya kasama ang kanyang mga magulang. Sa susunod na buwan ay ikakasal na kami at para lang akong nananaginip.
Sumulat ako sa iyo para ang kasaysayan ko’y maging inspirasyon sa iba. Salamat sa pagpapaunlak mo sa aking sulat.
Lily
Dear Lily,
Karaniwang tinatanggap kong sulat ay puro problema ang laman. Ang sulat mo’y kakaiba dahil napaka-positibo. Sana marami pang iba ang maglahad ng ganyang inspirational stories para hindi naman pulos suliranin ang nilulutas natin sa kolum na ito.
Totoo ang sinabi mo. Maraming taong may kapansanan na nasisiraan ng loob at nawawalan ng pag-asa sa buhay. May iba nga na winawakasan ang sariling buhay na hindi nila dapat gawin. Wika nga, habang nabubuhay ang tao ay laging may pag-asa.
Sana’y magsilbing moral booster ang kasaysayan mo sa ibang katulad mo ang kalagayan. Hinahangad ko rin na nawa’y maging matibay ang pag-iibigan ninyo at relasyon ni Rodil. Pagpalain kayo ng Panginoong Diyos.
Dr. Love