Dear Dr. Love,
Nangyari po akong lumiham sa malaganap ninyong column para mailathala ko ang aking masalimuot na buhay at hanggang ngayon ay hindi ko pa alam talaga ang tunay kong pagkatao.
Ako po si Ronnie Saringan, 23 years-old at sa kasalukuyan ay nakapiit dito sa pambansang bilangguan sa Muntinlupa.
Ang masasabi ko lang, masalimuot ang aking buhay. Menor de edad pa lang ako, nakulong na. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi ko pa alam kung sino ang aking ina.
Lumaki po ako sa tangkilik ng aking tiyahin.
Ang sabi ng iba, mayroon akong mga kapatid ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa sila kilala at nakikita.
Ito po ang mga dahilan kung bakit nasabi kong lubhang masalimuot ang aking buhay.
Noon pong nadala ako rito, ang aking kaso ay juvenile case. Ngunit may pitong taon na akong nakakulong, ni isa sa mga sinasabing kamag-anakan ko ay walang dumadalaw sa akin.
Ako po ay nakikiusap sa inyo na kung maaari, sa pamamagitan ng paglalathala ng liham na ito, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Sabik na sabik po ako sa mga kaibigan, lalo na yaong mga taong may mabubuting kalooban.
Hanggang dito na lang po at umaasa ako na pagbibigyan ninyo ang aking pakiusap.
Gumagalang,
Ronnie Saringan
MSC Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Ronnie,
Mayroong mga bagay dito sa daigdig na hindi natin kayang tuklasin ang katotohanan. Tulad din naman ng tunay mong pagkatao na hanggang ngayon ay pinipilit mong alamin kung ikaw ay mayroon pang tunay na magulang at mga kapatid.
Ang tiyahin mo lang na nagpalaki sa iyo ang susi sa mga katanungang pinipilit mong tuklasin.
Marahil, paglabas mo diyan sa piitan, malalaman mo na rin ang tunay mong pagkatao.
Puwede mo rin marahil na alamin kung sinu-sino pa ang mga kamag-anak at taong malalapit sa iyong tiyahin na maaaring nakakaalam kung bakit ka napunta sa kanyang tangkilik.
Ipagpatuloy mo ang pag-aaral diyan sa loob para mayroon kang mababaong kaalaman sa pagsalunga mo sa buhay sa iyong paglaya.
Magpakabuti ka na at sikaping iwasan ang anumang gulo na lalo pang makapagpapatagal ng pananatili mo diyan sa loob.
Huwag mo ring kalimutang tumawag sa ating Panginon dahil Siya lang ang tanging nakakaalam kung ano ang kapalarang naghihintay sa atin sa hinaharap.
Dr. Love