Dear Dr. Love,
Harinawang datnan ka ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan. Tawagin mo na lang akong Myrah, 40-anyos.
Dalaga pa ako hangga ngayon. Magtataka ka siguro kung bakit. Kasi masaklap ang karanasan ko sa mga lalaki.
Una akong nagka-boyfriend noong 20- anyos ako. Matanda siya sa akin ng limang taon at ibinigay ko ang buong pagtitiwala ko sa kanya. Pero matapos niyang makuha ang aking pagkababae ay iniwanan ako.
Ganyan din ang karanasan ko sa tatlo pang ibang naging boyfriends ko. Mula noon ay isinumpa ko na ang mga lalaki.
Pero ngayon ay may nanliligaw sa akin. Isa siyang biyudo at 56-anyos. Ewan ko ba pero parang nahuhulog ang loob ko sa kanya. Pero sa tuwing naaalala ko ang masaklap kong karanasan sa lalaki, parang ayaw ko nang pumasok sa ano mang relasyon.
Tulungan mo ako Dr. Love kung ano ang mabuti kong gawin.
Myrah
Dear Myrah,
Bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili sa larangan ng pag-ibig. Huwag mong bayaan na ang mga nauna mong mapait na karanasan ay magpatigil sa pag-inog ng mundo mo.
Marahil, iniiwanan ka ng mga lalaking naging bahagi ng buhay mo dahil lagi mo na lang ibinibigay nang buo ang iyong sarili. Sana’y naging aral sa buhay mo iyan.
Tungkol sa biyudong manliligaw mo, sa edad niya ngayon ay hindi na marahil siya manloloko ng babae. Gayunman, idaan mo pa rin siya sa pagsubok at kung talagang mahal mo siya, walang masamang sagutin mo siya at pakasalan.
Dr. Love