Dear Dr. Love,
Kumusta ka Dr. Love at sana’y datnan ka ng sulat ko na malusog at malayo sa anumang sakit.
Tawagin mo na lang akong Elvira, 45-anyos at may asawa. Tatlong taon lang kaming kasal ng mister ko dahil ako’y isa nang biyuda nang pakasalan niya. Matanda ako sa kanya ng sampung taon.
Noong araw bago kami ikasal, marami ang nagwa-warning sa akin na masyado raw malayo ang agwat ng aming edad. Baka raw ipagpalit ako sa ibang babae. Guwapo kasi ang asawa ko at sabi nila, maraming nagkakagustong babae.
Hindi mo naitatanong, may sarili akong negosyo at siya’y isa sa mga nagtatrabaho sa akin bilang driver. Sabi pa nga ng mga kaibigan ko, malamang kayamanan ko lang ang target niya kaya ako pinakasalan kahit malaki ang tanda ko sa kanya.
Pero sa paglipas ng mga araw, nakita ko naman na pinagmamalasakitan niya ang aming negosyo. Kung masipag siya noong araw, lalo siyang naging masipag ngayon sa pamamahala ng aming negosyong garments. Hindi ko na siya pinagda-drive.
Bago kami nagpakasal, mayroon siyang ka-live in. Nagkahiwalay sila ng ka-live in niya dahil pinagtaksilan siya ng babae.
May dahilan ba para mag-worry ako? Kasi kinakabahan ako sa babala ng mga kaibigan ko.
Elvira
Dear Elvira,
Bagamat sampung taon ang agwat ninyo, hindi naman siya masyadong bata sa edad na 35 years-old. Batay sa sinabi mo, mukha naman siyang responsible.
Hindi maganda na nababalisa ka sa bagay na hindi pa naman nangyayari. Pakitaan mo siya ng pagmamahal, at gaya nang isang kasabihan, ang pag-ibig ay nagbubunga ng pag-ibig.
Kaya huwag mong isipin ang mga babala ng kaibigan mo. Habang nakikita mo na masipag siyang magtrabaho at maayos ang relasyon ninyo bilang mag-asawa, palagay ko’y wala kang dapat ikatakot.
Dr. Love