Dahil sa pagdamay
Dear Dr. Love,
Isa po ako sa libu-libong tagasubaybay ng malaganap ninyong column at dalangin ko po na sana’y patuloy pa itong magtagumpay dahil marami kayong natutulungan.
Ako nga po pala si Edwin M. Castro, 37 years-old at kasalukuyang nakapiit sa Medium Security Compound ng pambansang bilangguan.
Homicide po ang aking kaso at nahatulang mabilanggo sa isang pangyayaring hindi ko sinadya at nagawa dahil sa kabiglaanan at pagdamay sa isang minamahal na kaibigan.
May kaibigan po akong babae na itago na lang natin sa pangalang Nicole.
Maganda ang aming pagtuturingan sa isa’t isa bagaman mayroon siyang nobyo.
Minsan, tinawagan niya ako at apurahan niyang hiniling na magsadya ako sa kanyang apartment dahil nag-aaway sila ng kanyang boyfriend.
Hindi naman ako nagdalawang-isip at pinuntahan ko siya kaagad dahil limang kilometro lang ang layo ng aking tirahan sa kanya. Udyok din ito ng paghahangad na matulungan ko siya bilang kaibigan dahil nagpasaklolo nga siya.
Ang hindi ko alam, iyon palang pagdamay kong iyon ang siyang magiging daan para ako ay makulong at ngayon nga ay nagdurusa sa bilangguan.
Ipinagtapat sa akin ni Nicole na lulong pala sa droga ang kanyang bf at natatakot siya kaya niya ako tinawagan. Umalis ang kanyang nobyo pero mabilis ding bumalik at may hawak na itong kutsilyo.
Galit na galit ang nobyo ni Nicole at sa bilis ng kanyang paghabol sa amin, naabutan niya si Nicole at inundayan niya ito ng saksak.
Bilang pagtatanggol sa aking kaibigan at sa sarili, pinukpok ko siya sa ulo ng bakal at nang tangkain pa niyang abutin ang aking kaibigan, pinukpok ko na siya ng todo sa ulo hanggang sa mawalan ito ng malay.
Kaagad kong dinaluhan si Nicole at nagpasyang dalhin siya sa pagamutan. Pero hindi na siya umabot nang buhay sa ospital dahil sa matinding saksak na ginawa sa kanya sa may dakong kilikili.
Idinepensa ko ang aking sarili sa insidenteng ito pero nawalang saysay ang aking pagtatanggol sa ginawa kong depensa sa yumaong kaibigan.
Hustisya po ang daing ko sa hukuman pero sadyang maramot sa akin ang katarungan.
Sana po, matulungan ninyo ang isang tulad kong gustong bumangon uli at magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Kahit sa gitna ng kalungkutan at kasawian, gusto ko pa ring makadama ng kasiyahan.
Lubos na gumagalang,
Edwin M. Castro
Bldg. 1 Dorm 114,
M.S.C., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Edwin,
Iniapela mo ba ang sentensiyang iginawad sa iyo?
Kung nagawa mo na ang dapat na aksiyon para mas mababang hatol ang maibaba sa iyo dahil sa ginawa mong pagkakasala, irespeto natin ang batas at ang mga ipinatutupad nitong mga alituntunin.
Kung bangag sa droga ang nobyo ni Nicole noong panahong maganap ang insidente, malamang na hindi niya alam ang kanyang ginagawa.
Kaya ang mga taong nasa matinong pag-iisip ang dapat sana’y nanatiling kalmado. Dapat sana’y inilayo mo muna sa kanyang tirahan si Nicole para hindi kayo inabutan ulit doon ng kanyang boyfriend.
Hindi na tayo dapat pang magsisihan sa naganap na insidente. Ang mahal mong kaibigan ay nasawi at ano ang nangyari sa kanyang bf? Hindi mo nabanggit sa liham kung nasawi rin ang lalaking yaon.
Ang naganap na insidente ay isang magandang aral sa iyo, na hindi dapat maging padalus-dalos sa hakbang at laging panatilihin ang kahinahunan sa paglutas ng problema.
Bulag ang hustisya at hindi nito sinisino ang ginagawaran ng parusa.
Habang nasa bilangguan, ipakita mo sa mga awtoridad na isa kang mahusay at masunuring mamamayan.
Sa ganitong paraan, maaaring makabilang ka sa mga ginagawaran ng pagpapababa ng hatol ng pamahalaan.
Dr. Love
- Latest
- Trending