Umbagero na, lasenggo pa si mister!
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat ay umaasa ako na nasa maganda kayong kalagayan sa pagtanggap ninyo ng aking sulat na naglalaman ng aking suliranin sa asawa.
Tawagin n’yo na lamang po akong Milagros, 27-anyos at isa po ako sa mga matatawag na battered wives o yung mga pinagmamalupitan ng asawa.
Hindi po dating malupit ang mister ko. Sa unang dalawang taon ng aming pagsasama ay mabait siya. Lahat ng suweldo niya ay iniintrega niya sa akin ng buo at ako lang ang nagbibigay ng pamasahe niya.
Nagsimula siyang magbago nang mabarkada siya sa mga lasenggo sa aming lugar. Noong una siyang uminom, sabi niya sa akin ay nakikisama lang siya. Natatakot daw siyang umbagin ng mga istambay kaya pinagbigyan niya.
Kaso po, napadalas ang pag-inom niya hanggang maging gabi-gabi. Wala nang natitira sa sahod niya na ginagastos niya sa barkada.
Kapag sinisita ko at pinagsasabihang magbago, sampal ang inaabot ko. Minsang binantaan ko siyang hihiwalayan, binugbog niya ako. Natatakot na po ako sa kanya. Mayroon kaming isang anak na dalawang taong-gulang na.
Ano ang dapat kong gawin? Natatakot akong mawasak ang aming pamilya.
Milagros
Dear Milagros,
Ano sa tingin mo, hindi pa ba wasak ang pamilya mo? Lasenggo ang iyong asawa at nanggugulpi pa. Tingin ko’y hindi na puwedeng wasakin ang dati nang wasak dahil sa katarantaduhan ng mister mo.
Kung tutuusin, puwede mo siyang ihabla sa ginagawa niyang panggugulpi sa iyo. Puwede mo ring ipawalang-bisa ang kasal ninyo para tuluyan na kayong magkahiwalay at makawala ka sa matinding kalbaryong dinaranas mo.
Ayoko sanang nagpapayo nang paghihiwalay sa mga mag-asawang di na magkasundo. Pero sa kaso mo, buhay na ang nakataya. Baka sa kagugulpi niya sa iyo ay mapatay ka niya.
Kumonsulta ka sa magaling na abogado tungkol sa problema mo. Kung wala kang pera, magpunta ka sa Public Attorney’s Office sa inyong munisipyo para makakuha ka ng legal advice at assistance.
Dr. Love
- Latest
- Trending