Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa iyo at sa libu-libo mong mga tagasubaybay.Tawagin mo na lang akong Rico, 40-anyos.
Sa di-inaasahang pangyayari, nahiwalay ako sa misis ko may dalawang taon na ang nakararaan. Nagalit ako dahil mas inaasikaso niya ang mga kaanak niyang inaaruga niya sa aming tahanan. Hindi naman sa nagmamaramot ako pero sobra ang pagbibigay niya sa mga kaanak na humihingi ng tulong. Tatlong pamangkin niya ang pinag-aaral niya sa perang kinikita ko. Madalas, napagkakaitan ang aming kaisa-isang anak dahil ang para sa kanya’y napupunta pa sa mga kamag-anak ng aking misis.
Dahil diyan, ipinasya kong lumayo. Nagpunta ako sa Cebu at doon nagtrabaho. Pinilit kong limutin siya at nagkaroon ako ng ka-live-in doon. Pero dumating ang panahong hinahanap-hanap ko siya.
Iniwanan ko ang kalive-in ko at nagbalik sa Maynila. Pero laking panlulumo ko nang malaman kong may kinakasama nang iba ang misis ko.
Iniisip ko ngayon ay ang maghabla. Tama ba ang gagawin ko?
Rico
Dear Rico,
Una sa lahat, hindi ba ikaw ang unang nangaliwa? Kung magdedemanda ka sa misis mo, may karapatan din siyang idemanda ka.
Kaya kung ako sa iyo, I’ll just charge it to experience. Pero kung gusto mong magdemanda, puwede. That’s adultery. Pero ang ginawa mo naman ay concubinage na may katapat ding parusa sa batas.
Dr. Love