Isang bukas na liham para sa mga tagatangkilik ng pitak na ito
(Note: Sa isyung ito ng Dr. Love, sa halip na ang ilathala ay liham ng mga tagatangkilik ng pitak na ito, si Dr. Love ang siyang may isang bukas na liham para sa kanila bilang bahagi ng paggunita ng Semana Santa.)
Sa paggunita natin sa Semana Santa, lahat na nagpadala ng liham sa pitak na ito kasama na yaong mga mambabasa ng pahayagang ito, ay ginaganyak na magnilay-nilay at magtika para sa ikagagaan ng dinadala nilang mga problema.
Walang problemang hindi nalulutas at alalahanin natin na hindi tayo bibigyan ng suliranin na hindi natin kayang malutas.
Bahagi lamang ito ng mga pagsubok na dumarating sa ating buhay para lalo pang patatagin ang ating paniniwala sa Maykapal.
Ngayong kuwaresma, sa halip na manatiling may kinukuyom na galit, hinanakit, kawalang tiwala sa sarili, kawalan ng tiwala sa kapwa at sa sistemang umiiral sa bansa, bakit kaya natin hindi subukan namang iwaksi ang mga ito at pamahayin sa ating mga puso ang isang bagong pagmamahal sa Nasa Itaas.
Usisain natin ang ating sarili kung bakit ang tingin natin sa sarili ay aping-api, puno ng problema at hindi makabalikwas sa kinaroroonang madilim na lugar sa bilangguan.
Hindi kaya ang problema ay nasa ating sarili at isinisisi lang natin sa iba? Tanggapin natin ang ating mga kamalian, ang pagiging palalo, ang pagiging maluho at mahina para malabanan ang masama dahil sa ating mga maling prayoridad sa buhay.
Dumalangin tayo nang taimtim na sana’y magkaroon tayo ng tamang direksyon sa buhay, na sana’y magsimula na tayo ng mga reporma sa ating sarili nang sa gayon, harapin natin nang may bukas na kaisipan ang kasalukuyang pagdurusa dahil sa sandaling malampasan ito, may inaasam tayong glorya.
Maging gabay natin ang buhay na pinagdaanan ng ating Panginoong Hesukristo na inialay ang sarili para matubos sa pagkakasala ang mundo.
Dr. Love
- Latest
- Trending