Dear Dr. Love,
Nagpupugay ako sa inyo at sa lahat ng mga regular readers ng malaganap ninyong kolum. Tawagin n’yo na lamang akong Jose, 38-anyos at hiwalay sa asawa.
Isa lamang akong karaniwang kawani sa isang government office. Tatlong taon lang kaming nagsama ng misis ko at biniyayaan ng isang anak. Ambisyosa si misis.
Hindi ko maibigay ang mga luho niya dahil maliit lang ang suweldo ko. Anak-mayaman kasi siya. Tutol ang mga magulang niya sa aming pagtatanan. Matanda ako ng sampung taon sa kanya.
Nang himukin siya ng kanyang Papa na hiwalayan ako, agad siyang sumunod. Nagising na lang ako isang umaga na wala na siya at ang aming kaisa-isang anak na babae.
Naging miserable ang buhay ko. Nagalit ako sa mundo sa pangyayaring ito. Ngayo’y walong taon na ang aming anak na tinangay niya nang ito’y dalawang taon pa lamang. Hindi ko na mahal ang asawa ko dahil hiniwalayan ako sa udyok lamang ng kanyang mga magulang.
Alam naman ng Diyos na sinikap kong mabuhay ang ang pamilya nang masagana. Katakut-takot na overtime ang ginawa ko maragdagan lamang ang aking kinikita.
Ang gusto ko lang ngayon ay makuha ang aking anak. Ano ang dapat kong gawin?
Jose
Dear Jose,
Legal issue iyan kaya kumonsulta ka sa abogado. Pero kung mahal mo ang iyong anak, magsakripisyo ka. Guguluhin mo lang ang kanyang isip kung kukunin mo siya sa pamilyang kinalakihan na niya.
Isa pa, ang anak mo’y nabubuhay nang mariwasa dahil mayaman ang magulang ng iyong asawa. Siguro ang maipaglalaban mo lang ay visitation rights para hindi naman lumayo ang damdamin sa iyo ng iyong anak.
Posibleng ipaglaban iyan sa korte. Kung ’di mo kayang bumayad ng abogado, kumonsulta ka sa Public Attorney’s Office.
Dr. Love