Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column sa malaganap na pahayagang PSN.
Marami na kayong natulungan at natutuwa naman ako na nagkaroon din ako ng sapat na lakas ng loob para lumiham at maibahagi ko ang masaklap kong karanasan sa buhay. Ako po ay isang bilanggo at homicide ang aking kaso. Nahatulan po ako ng pagkabilanggo ng mula walo hanggang 14 na taon.
Mula po noong mapasok ako dito sa kulungan, labis akong nangungulila. Kinasasabikan ko ang pagdalaw sa akin ng aking mga magulang at kapatid. Pero mula nang ako ay makulong, hindi ko na po sila nakita.
Lagi po akong nagdarasal na sana ay maalala man lang nila ako at sulatan para naman muling mabuhay ang aking pag-asa.
Ako po ay pitong taon na sa kulungan. Nagkasala man ako sa Diyos at sa tao, napagsisihan ko na po ang pagkakasala ko.
Isang pabor lang po ang nais kong hilingin sa inyo. Sana po, sa pamamagitan ng pitak na Dr. Love, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para naman maibsan ang aking kalungkutan.
Tanging ang sandigan ko na lang dito sa piitan ay ang ating Poong Maykapal.
Sa tulong ninyo, sana po ay mabasa ang sulat kong ito at bigyang-daan ang aking pakikipagkaibigan.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan sa liham kong ito at more power to you.
Gumagalang,
Arnel Sarmento
Dorm 225 Bldg. 2,
M.S.C., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Arnel,
Salamat at inamin mo ang pagkakasala at inihingi na ito ng patawad sa Panginoon.
Huwag kang magsawa sa pagdarasal at pagtitika sa nagawang pagkakasala.
Natitiyak ng pitak na ito na diringgin ng Panginoon ang iyong dinarasal na kapatawaran.
Inaasahan din natin na sa pamamagitan ng paglalathala ng liham mo, mababasa ito ng iyong mga magulang at mga kapatid.
Huwag mo nang ganap na ikasiphayo kung hindi ka man nila nadadalaw. Marahil ay mayroon din silang problemang nakakahadlang sa pagbisita sa iyo.
Kung makalaya ka man, matuto mong patawarin ang mga miyembro ng pamilya mo at balikan mo sila para alamin kung ano ang kanilang kalagayan.
Mas mabuti ang magpatawad kaysa may kinikimkim na galit at sama ng loob.
May maganda ka pang hinaharap sa kabila ng naging karanasan mong ito sa buhay.
Dr. Love