Marami nang mga itinatayong samahan ng mga mamamahayag para matulungan ang kanilang hanay hinggil sa kabuhayan pero hindi ito nagtagumpay. Nauuwi lamang sa awayan, demandahan at higit sa lahat, hindi malaman kung saan napupunta ang pondo.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang mga mamamahayag ay biktima rin ng uring mapang-samantala sa mga may-ari ng pahayagan, TV o radio. Marami sa mga journalists ang namatay na pulubi, hindi makapagpaaral ng mga anak o kaya ay hindi masuportahan ang kanilang pamilya.
Dahil sa ganitong kalagayan, nabuo ang Media Steering Committee sa pangunguna ni Dodie Lacuna ng RPN-9 upang magtayo ng samahan ng mga mamamahayag para mabigyan ng marangal na kabuhayan ang mga miyembro nito.
Ang ideyang ito ay galing sa Coalition of Socially Responsible Small and Medium Enterprise in Asia (CSR-SME Asia) sa pangunguna ni Ben Quinones. Kasama rito sina Dr. Cieleto Habito, dating NEDA Secretary at kasalukuyang professor sa Economics sa Ateneo de Manila University at dating Sen. Jose Lina, kasalukuyang presidente ng Manila Hotel.
Hangad ni Ben Quinones, ekonomista at international consultant sa ekonomiya ng UN at sa iba’t ibang bansa sa Asia at Africa, na matulungan ang hanay ng mga mamamahayag o journalists na mahihirap upang maiangat ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbuo ng samahan sa media.
Ang samahang ito ay kagaya ng samahan na kanyang tinutulungang itayo sa Pasay City, ang Bayanihan Banking Program (BBP) kung saan 15-30 katao sa isang barangay ang nagsasama-sama dalawang oras sa isang araw tuwing Linggo. Ang bawat isa sa kanila ay nag-iimpok ng pera sa kantidad na kanilang napagkasunduan sa tuwing silay nagtitipun-tipon.
Sa samahang ito ay may mga opisyales na tatayo at ang bawat malilikom nila na pera tuwing Linggo ay ilalagay sa banko. Tatlo sa mga signatories ang pipirma kapag may miyembro ang manghihiram.
Subalit ang makakahiram lamang na miyembro ay iyong tapat sa pagdalo at pagbibigay ng kanyang impok tuwing Linggo. Ang bawat miyembro ay makakahiram lamang pagkatapos ng anim na buwan ayon na rin sa napagkasunduan ng mga kapwa miyembro.
Ang bawat miyembro ay may sariling libreta na ibibigay ng samahan at sisiguraduhin lamang ng manghihiram na mababayaran niya ang perang hiniram niya para makahiram uli siya sa susunod na pagkakataon.
Naging matagumpay ang BBP ng Pasay City. Yaong mga dating nakatira sa barung-barong sa naturang lugar ngayon ay nakatira na sa isang magarang bahay dahil ang kanilang mga maliit na negosyo ay yumabong at nagtagumpay.
Sa kasalukuyan, ang samahang ito ay may milyones na pondo at mayroon na silang planong kumuha ng subdivision para magtayo ng kanilang mga bahay doon. Bukod pa rito’y natutustusan na nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak at may kakayanan na silang mamuhay nang marangal at masagana. Ito rin ang gustong mangyari ni Quinones sa samahan ng media.
Sa Oktubre 17-20, magkakaroon ng tatlong araw na conference sa UP Bahay Alumni sa loob ng UP Compound na dadaluhan ng world-class economists. Sa araw na ito, ilulunsad din ang Bayanihan Media Congress.
Purihin ang Panginoong Jesu-Cristo sa ginawa Niyang kabutihan sa atin!
Kuya Ben ng Quezon City
(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 273-8256/270-3836; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998, at Mandaluyong, 533-5171.)