Ako si Pastor Danilo Ambida, 51, ng Christ, the Living Stone Fellowship sa Dolores, Eastern Samar na kasama sa lumubog na barko ng M/V Blue Water Princess na patungong Masbate noong Hulyo na mahigit 20 sa mga pasahero ang nasawi.
Ako po’y naimbitahan ng mag-asawang Rey at Roville Escobido, kapwa ko rin mga manggagawa sa Ubasan ng Diyos ng CLSF na nadestino sa Placer at Mas bate City, bilang speaker sa kanilang anibersaryo. Kasama ko sa biyahe ang mag-asawang Escobido at si Pastora Maribel Verallo, isa ring manggagawa sa Masbate.
Kagagaling lamang naming apat na nag-attend ng Missionary Conference na ginanap sa CLSF Center sa Mandaluyong City. Sumakay kami sa M/V Blue Water Princess sa Lucena City at wala naman akong kaba na may mangyayaring masama sa barko dahil mapayapa ang dagat. Ang barko ay may lulang 150 mga pasahero at 14 na mga truck at kotse.
Bandang alas-10 ng gabi, ang barko ay bigla na lamang tumagilid sa gawing kaliwa. Hinahampas na kasi ang barko ng malalakas na alon bunga ng malakas na hangin kahit kakaunti lamang ang ulan.
Wala namang anunsiyo ang mga opisyales ng barko na may panganib na parating. Pero isinuot na rin namin ang aming life jacket para kung ano ang mangyari ay nakahanda na kami.
Mga bandang ala-1:30 ng hatinggabi, habang ako ay papunta ng comfort room, doon na tuluyang tumagilid ang barko at dahan-dahan itong lumubog. Hindi na ako nakabalik sa aking cabin. Bigla na lamang namatay ang ilaw habang ako naman ay umakyat na sa pinakahuling palapag ng barko para doon na ako tumalon kapag ito’y tuluyang lumubog. Nangyari nga ang kinatatakutan kong maganap kaya tumalon ako sa dagat. Mabuti na lamang at hindi tumama ang ulo ko sa railing na bakal ng barko.
Nang naroon na ako sa tubig, may nakapa ako na isang styro-foam na palutang-lutang rin at ito’y kinapitan kong mahigpit dahil nasasakal ako sa life jacket. Hindi ko kasi naisara ang life jacket hanggang leeg ko kasi ay naiinitan ako kaya ito tuloy ang nangyari sa akin.
Lumangoy ako patungo sa nakikita kong ilaw subalit dinadala ako ng malakas na agos. Sa bigat ko pa naman dahil malaki ang aking tiyan, talagang nahirapan akong lumangoy at marami na akong nainom na tubig-dagat.
Umuungol na nga ako at akala ng mga kasamahan ko ring nagpapalutang-lutang sa dagat ay kung ano na ang nangyayari sa akin. Para bagang hindi ko na kaya. Pero kapag sinasabihan ko ang alon at dagat na dapat silang magpuri sa Diyos, hindi ako tinatamaan ng alon.
Sinabi ko sa Panginoong Jesu-Cristo na kung hindi pa tapos ang ipinagagawa Niya sa akin, iligtas Niya ako sa kamatayan.
Iyon nga ang ginawa ng Panginoong Jesu-Cristo. Dinala niya ako sa pampang at doon ako nailigtas ng mga tao. Kasama kong nakaligtas ang mag-asawang Escobido pero si Pastora Verallo ay nasawi.
Pinapupurihan ko ang Panginoong Jesu-Cristo dahil nailigtas Niya ako sa bingit ng kamatayan. Purihin at sambahin Siya dahil totoo ang Kanyang Pangako na hindi Niya tayo iiwanan at pababayaan kahit sa bingit ng kamatayan.
– Kuya Danilo Ambida ng Dolores, Eastern Samar
(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 273-8256/270-3836; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998, at Mandaluyong, 533-5171.)