Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo at sa lahat ninyong mahal sa buhay.
Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Jhun Bernido, 38-taong gulang. Disyembre 16, 2000 nang ako ay makulong sa salang pagpatay. Noong araw na yaon, ang akala ko, katapusan na ng mundo para sa akin.
Subalit hindi po ako pinabayaan ng Panginoon na nakababatid na wala akong pagkakasala.
Nakapatay po ako dahil sa isang kaibigan. Inaawat ko ang aking kaibigan at isa nitong kaaway pero sa pag-awat kong ito, ako ang nabalingan ng galit ng kagalit ng brod ko at tinangkang saksakin.
Pero naagaw ko ang kanyang armas at sa pagtatanggol ko sa aking sarili, nasaksak ko siya at napatay.
Marami ang nagsabi sa akin na wala akong kasalanan sa nangyari. Pero wala po akong magagawa dahil malakas ang nakalaban ko.
Natalo ako sa kaso at eto nga, nakulong ako sa pagtatanggol sa aking kaibigan.
Dito sa kulungan ko nararanasan ang matinding kalungkutan at kahirapan ng buhay.
Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko. Itinakwil na ako ng aking mga magulang at mga kaibigan.
Ang inaalala ko Dr. Love ay kung ano ang buhay na naghihintay sa akin sa laya sa sandaling mapagsilbihan ko na ang sentensiya sa aking pagkakasala.
Sa pamamagitan ng pananalangin, hindi naman ako ganap na nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Sa tingin po ninyo, makakatagpo pa kaya ako ng mga kaibigan at mga taong magmamahal sa akin sa sandaling makalaya na ako?
Payuhan po ninyo ako.
Jhun Bernido
Student Dormitory 1-B,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jhun,
Ang katarungan ay walang mukha, nakapiring dahil wala itong kinikilingan.
Sinuman ang nagkasala, may katugong bigat ng parusa.
Sa kaso mo, bagaman hindi mo sinasadya at nagtatanggol ka lang sa sarili, nakapatay ka ng tao at ito ay may katugong pataw na parusa.
Mabuti naman at kahit pa nakakulong ka, nag-aaral ka para sa paglaya mo, ang natutuhan mo sa paaralan diyan ang siya mong maging gabay para sumalunga ka uli sa buhay sa laya.
Huwag kang mawawalan ng tiwala sa lipunan at sikapin mong makabangon ka uli.
Dapat ding matutuhan mo ang pagiging matimpi sa sarili dahil ang pagiging pabigla-bigla at padalus-dalos ay pinagmumulan ng mga pagkakamali sa desisyon na sa huli pinagsisisihan.
Dr. Love