Bago po ang lahat, nais kong batiin kayo ng isang magandang araw at nawa ay lagi kayong nasa mabuting kalagayan. Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng malaganap ninyong column. Nais ko pong ibahagi ang masakit na karanasan ko sa pag-ibig na siyang naging daan para ako ay masadlak dito sa pambansang piitan.
Tawagin na lang ninyo akong Jhun, tubong Bicol. Dito sa tinubuan kong lalawigan, nakilala ko ang babaeng labis kong minahal.
Mula nang makilala ko si Cecile, walang naging problema sa aming relasyon. Ang akala ko, wala nang katapusan ang aming maliligayang araw.
Minsan, kinausap ako ni Cecile nang masinsinan. Kinausap niya ako at sinabing hindi na raw siya karapat-dapat sa aking pagmamahal. Pilit ko siyang tinanong dahil wala naman akong alam na dahilan para maglimutan kami.
Sinabi ko sa kanya na kahit anuman ang dahilan ay hindi magmamaliw ang pagmamahal ko sa kanya.
Dito siya lumuha at sinabing ginahasa siya. Parang pinagtakpan ako ng langit at lupa. Pero dahil sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, tinanggap ko pa rin siya at ang lalaking lumapastangan sa kanya ay nakulong.
Dahil na rin sa impluwensiya ng pamilya ng suspect, nakalaya ang lalaking lumapastangan sa aking nobya.
Dala ng malaking galit ko sa lalaking ito, inilagay ko sa aking mga kamay ang batas. Isang gabing nasalubong ko siya, sinaksak ko siya at ako naman ang nakulong.
Ang akala ko, ang babaeng ipinaghiganti ko ay dadamay sa akin. Pero nangyari ang kabaligtaran dahil naglaho siyang parang bula.
Nang kalaunan, nabalitaan ko na lang na nag-abroad na siya.
Umaasa pa ako na isang araw ay susulat siya sa akin ngunit kahit na nadala na ako sa pambansang piitan, ni isang sulat ng pangungumusta ay wala.
Minsang bumisita sa akin ang aking ina, sinabi niyang dumating na si Cecille mula sa abroad. At nag-asawa na pala ito.
Sa pamamagitan po ng inyong column, nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat. Sana’y hindi maging hadlang ang aking nakaraan sa sinumang susulat a akin.
Gumagalang,
Jhun Liadones
Bldg. 2 Cell 223,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1176
Dear Jhun,
Sa nalalapit mong paglaya, ganap ka nang magbagong-buhay.
Yaman din lang na natanggap mo na ang masaklap na pangyayari sa buhay mo, idalangin mo na lang sa Panginoon na sana’y ito na ang katapusan ng isang matinding pagsubok na isang uri ng bangungot sa buhay mo.
Hayaan mo na lang ang iyong dating nobya. Ipanalangin mo na lang na sana’y lumigaya siya sa lalaking pinakasalan niya.
Nasa pagpapatawad lang ang kapayapaan ng iyong damdamin.
Kalimutan mo na ang pagiging mapusok, ang pabigla-biglang hakbang na siyang naging ugat ng kinasapitan mong buhay diyan sa loob.
Oo, makakatagpo ka pa ng babaeng tapat na magmamahal sa iyo. Alisin mo ang pagkamuhi sa mga babae dahil hindi lahat na babae ay tulad ni Cecile.
Naging praktikal lang naman siguro siya.
Sana, gumanda na ang takbo ng buhay mo at makatagpo ka rin ng dalagang mamahalin mo rin tulad ng pagmamahal mo sa dating nobya.
Dr. Love