Bakit ganito ako?

Una na sa lahat ay bumabati ako sa iyo at sa lahat ng mga masusugid na sumusubaybay sa iyong malaganap na kolum. Matagal na akong sumusubaybay sa kolum mo at talagang marami akong napupulot na aral sa mga payo mo.

Tawagin mo na lang akong Sylvia, 19-anyos. Sumulat ako sa iyo dahil hindi ko maintindihan ang aking sarili. Madalas akong magka-crush. At kapag ginusto ko, gumagawa ako ng paraan upang ligawan ako ng aking crush.

Kapag nanligaw na sa akin ang lalaki at sinagot ko na, biglang nawawala ang feelings ko para sa kanya. Agad kong bini-break after one week. Hindi ko naman gustong paglaruan ang mga lalaki. Pero ewan ko ba kung bakit tinatabangan agad ako kapag nanligaw na sa akin ang sinumang guy, gaano man katindi ang crush ko sa kanya.

Dahil dito, nagkaroon ako ng pangit na reputasyon sa aking school bilang playgirl. Hindi naman ito totoo.

Bakit kaya ako ganito? Maaalis pa ba ang ganitong attitude ko sa mga lalaki?



Sylvia


Dear Sylvia,


Walang makasasagot sa iyong katanungan maliban sa sarili mo. Pero sa palagay ko, nagkakaganyan ka dahil hindi mo pa natatagpuan ang true love mo.

Tandaan mo na ang crush ay hindi pag-ibig. Ito’y isa lang paghanga na maaaring magbago lalo pa’t lumalalim ang pagkakilala mo sa isang lalaki. Pero talagang nagsisimula sa attraction ang pag-ibig. Umuusbong ang pag-ibig sa paglipas ng panahon lalo pa’t nakikilala mo nang ganap ang lalaking nagpatibok sa puso mo.

Magtiyaga kang maghintay at darating din sa buhay mo sa tamang panahon ang lalaking tunay mong mamahalin.



Dr. Love


Show comments