Bumabati ako sa iyo sampu ng iyong angaw-angaw na mga tagasubaybay ng iyong malaganap na kolum. Tawagin mo na lang akong Mrs. Kunsumido.
Kunsumido ako sa aking asawang batugan. Limang taon na akong kasal sa kanya at may dalawa kaming anak. Noong una’y hindi naman siya ganyan. Kahit isa lang siyang driver sa isang kompanya noon, masipag siyang magtrabaho.
Nagsimula ang pagiging tamad niya nang magtagumpay ako sa negosyo tatlong taon na ang nakararaan. Nag-buy and sell ako ng alahas sa pamamagitan ng kaunting puhunan na nautang ko sa isang kaibigan.
Lumago ang aking puhunan at sinubukan kong magpautang ng patubuan. Diyan ako sinuwerte at napagawa ko ang bahay namin. Pero nang medyo maginhawa na ang buhay namin, bigla siyang nagbitiw sa trabaho.
Kuntento na siya sa bahay at ayaw na akong tulungan sa hanapbuhay namin. Kahit pagsabihan ko siya ng tamad, batugan, walang silbi, hindi siya tinatablan ng hiya.
Ano ang gagawin ko?
Mrs. Kunsumido
Dear Mrs. Kunsumido,
Tamad man siya at walang silbi, asawa mo pa rin siya. Kung ibig mong humiwalay sa kanya, maka bubuting sumangguni ka sa abogado dahil posibleng ang pagiging tamad, lalo na kung ayaw nang maghanapbuhay, ay isang ground for annulment.
Pero bago ka sumuong sa ganyang marahas na hakbang, sikapin mo pa siyang kumbinsihing magtrabaho. Siya ang lalaki at obligasyon niya ang paghahanapbuhay.
Gawin mong lahat ang paraan para mapreserba ang inyong pagsasama.
Dr. Love