Bago po ang lahat, nais kong kumustahin kayo sampu ng mga kasamahan ninyo sa PSN at mga mahal ninyo sa buhay.
Nawa’y magpatuloy ang paggabay sa inyo ng Mahal na Panginoon.
Masugid po akong tagasubaybay ng inyong pahayagan at ng malaganap ninyong column.
Nais ko pong maibahagi sa pitak na ito ang aking masaklap na karanasan sa buhay at hangad ko pong magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat.
Ako po ay si Roldan Merca, tubong Sorsogon at sa kasalukuyan ay nakapiit sa pambansang bilangguan dahil sa kasalanang hindi ko naiwasan.
Labing-anim na taong gulang pa lang po ako ay napasok na ako sa piitan at sa ngayon ay 27-anyos na ako pero hanggang ngayon ay narito pa ako sa madilim na piitan.
Mula po nang makulong ako, isa-isa nang nawala ang mga taong mahalaga sa akin at kabilang na doon ang mga dati kong kaibigan.
Kaya po sa pamamagitan ng liham na ito, nais kong mailathala ang aking pangalan sa inyong pahayagan para kung sinuman ang nagnanais na makipagkaibigan sa akin sa pamamagitan ng _panulat ay masulatan man lang ako at mabigyan ng panibagong pag-asa sa buhay sa kabila ng madilim kong kahapon.
Ngayon po, habang naririto ako ay nagkaroon ako ng pagkakataong makapagpatuloy ng pag-aaral dahil may paaralan po dito.
Nasa second year college na po ako at ito na lang ang tanging pag-asa ko sa buhay.
Umaasa po ako sa malawak ninyong pang-unawa sa aba kong kalagayan at more power to you.
Umaasa,
Roldan Merca
1-D College Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Roldan,
Kumusta ka rin at sana ay matanggap mo ang liham na ito na nasa mahusay kang kalagayan.
Huwag mong masyadong damdamin kung lumayo man ang dati mong mga kaibigan dahil sa masaklap na karanasan mo sa buhay.
Ang dapat mong gawin ay magpakabuti ka at ipakita mong isa kang karapat-dapat na miyembro ng lipunan na may malaking maitutulong sa pagpapatatag ng ating bansa.
Huwag mong kalimutan ang pananalangin para patuloy kang gabayan ng ating Panginoon at maiwasan ang pagkakaligaw ng landas.
Sikapin mong matapos ang kursong kinukuha mo sa loob ng piitan at ang matututunan mo diyan ay magagamit mong puhunan sa paglaya mo.
Huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang mahalaga, nagbabago ka at pinagsisisihan mo na ang pagkakaligaw mo ng landas.
Makakatagpo ka rin ng maraming kaibigan at makakasama sa buhay.
Dr. Love