Isang magandang araw po sa inyo. Ako po pala si Eduardo Atuel, 22 taong-gulang at isa po akong bilanggo. Nais ko ring ibahagi ang munti kong kasaysayan ng pag-ibig at nais ko rin na magkaroon ng mga bagong kaibigan. Isa rin po ako sa iniwan ng mga kaibigan nang ako ay mapadpad sa lugar na ito.
Fourteen years-old ako noon nang una akong makulong sa pangangalaga ng DSWD. Nang akoy makalaya paglipas ng tatlong taon ay higit akong nanalig sa ating Poong Maykapal .
Nakilala ko si Annalyn at siya po ang babaeng minahal ko nang lubos at naging inspirasyon ko sa buhay. Siya rin po ang kasama ko na bumuo ng mga pangarap at binalak nga po naming magpakasal pagdating namin sa tamang edad. Matagal na rin kaming nagsasama nang dumating sa buhay namin ang isa kong kababatang si Robert.
Sa pagdating ni Robert sa aming buhay ay kasabay din na naglaho ang aming pangarap dahil ipinagpalit po ako ni Annalyn kay Robert. Lubha po akong nasaktan sa ginawa nya pero nanaig pa rin ang pagmamahal ko kay Annalyn kaya naman nagparaya na lang ako. Marahil ay doon siya masaya at hindi sa piling ko kaya kahit na masakit ay pinilit kong tanggapin. Lumipas pa ang ilang buwan nang muli kaming magkita ni Annalyn sa isang mall. Nilapitan ko siya at nalaman ko po na naghiwalay na pala sila ni Robert dahil pinagbubuhatan siya nito ng kamay. Pero inamin niya na mahal niya pa rin si Robert sa kabila ng sinapit niya sa mga kamay nito. Ngunit nang sabihin niya sa akin na gusto niyang makipagbalikan sa akin at dahil nga mahal na mahal ko siya ay hindi na ako nagdalawang-isip pa na tanggapin siyang muli.
Naging maayos naman ang muli naming pagsasama. Ngunit nang makipagbalikan sa kanya si Robert ay hindi rin siya nagdalawang-isip na sumama at iwan ako.
Dr. Love, higit akong nasaktan sa pangalawang pagkakataon na iniwan niya. Pakiwari koy naging tanga ako pero ano ang aking magagawa? Sadyang mahal ko si Annalyn. Minsan ay naisip ko na wakasan na ang aking buhay pero naisip ko na walang mangyayari pag ganoon ang aking ginawa. Unti-unti ko na sana siyang nakakalimutan subalit isang gabi ay nagpuntang umiiyak at nagmamakaawa sa akin si Annalyn na muli kaming magbalikan at puno siya ng pasa sa katawan na gawa ni Robert.
Awang-awa po ako sa sinapit ng aking pinakamamahal at sa kabila ng sakit na idinulot niya sa akin ay nagawa ko pa rin siyang tanggapin at nangako po siya na kailanman ay hindi na niya ako iiwan pa. Subalit kinabukasan, sumugod si Robert sa bahay at pilit niyang kinukuha sa akin si Annalyn at nagmamakaawa na magbabago na siya. Ngunit talagang ayaw nang makipagbalikan ni Annalyn sa kanya. Pinagsasampal po niya si Annalyn sa harap ko. Nagdilim ang aking paningin kaya agad ko siyang nasaksak. Hindi ko naman po napatay si Robert pero heto pa rin po ako at nakakulong ngayon at tinanggap ko po ang aking pagkakasala. Ang akin pong hindi kayang tanggapin ay nang malaman ko na muli na namang nagsasama sina Robert at Annalyn at ni minsan ay hindi man lang ako nadalaw o nasulatan man lang ni Annalyn simula nang akoy makulong.
Dr. Love, kung noon ay pagmamahal ang nararamdaman ko para kay Annalyn, ngayon po ay galit na ang umusbong sa puso ko. Dahil din sa pagkakabilanggo ko, nawala ang lahat kong mga kaibigan.
Gumagalang,
Eduardo Atuel
Student Dorm III, S.C.Y.O.,
M.S.L., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Eduardo,
Tunay na hindi matatawaran ang iyong wagas at buong buhay na pagmamahal kay Annalyn.
Dahil sa pag-ibig na ito, naging isang ganap na pagsubok ang iyong buhay sa pagpakakapasok mo sa bilangguan.
Nagpapasalamat ang pitak na ito sa pagtanggap mo sa iyong pagkakasala, sanay maging isang leksiyon ang iyong hangal na pag-ibig at padalus-dalos na aksiyon.
Huwag kang makakalimot sa Diyos sa iyong araw-araw na gawain sa piitan upang mapabilis ang iyong paglaya at sanay mabigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na makapag-aral na magiging sandata mo sa iyong paglabas.
Kalimutan mo na si Annalyn na sa simula pa lamang ay hindi na naging karapat-dapat sa iyong wagas na pag-ibig. Manalig ka na may inilaan sa iyo ang Panginoon na tapat at makakasama mo habambuhay. Hangad din ng pitak na ito na magkaroon ka ng mga tunay na kaibigan sa panulat. Sumaiyo ang gabay ng Diyos.
Dr. Love