Sino ang pipiliin?

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lamang akong Elba, 23-anyos. Ulila na ako sa ina at ang Itay ko’y may taning na ang buhay. Cancer sa baga at tinaningan na lang siya ng anim na buwan.

May boyfriend ako na kinasusuklaman ng aking Itay. Sabi niya sa akin, kung gusto ko siyang pumanaw na maligaya ay makipag-break ako sa boyfriend ko.

May ibang lalaki siyang gusto para sa akin. Ito ang anak ng kanyang best friend at kumpare. Ayaw ko sa lalaking ito dahil mayabang. At sinabi na rin ng inireretong lalaki ng aking Itay na wala rin siyang gusto sa akin.

Pero may kasunduan daw si Itay at kanyang best friend na nauna nang namatay sa kanya.

Mahal ko ang aking ama at kung susuwayin ko siya, nag-aalala akong baka hindi matahimik ang kanyang kaluluwa.

Tulungan mo ako, Dr. Love.

Elba


Dear Elba,


Pagdating sa pagpili ng magiging asawa, ang magagawa lang ng mga magulang ay magbigay ng payo. Anak pa rin ang huling magpapasya.

Hindi kasalanang labagin ang gusto ng magulang kung suliranin sa puso ang pag-uusapan.

Nasa iyo ang huling desisyon. Sino ang pipiliin mo, ang gusto ng iyong ama o ang itinitibok ng iyong puso?

Alalahanin mo, ang kasal ay panghabambuhay. Kung magpapakasal ka sa lalaking hindi mo gusto, kaligayahan mo ang mapapariwara.

Dr. Love

Show comments