Tanikalang hindi makalag

Dear Dr. Love,

Isa pong masaganang pagbati sa inyong lahat diyan sa PSN at gayundin sa lahat ninyong tagasubaybay.

Ako po ay si Cris Sanchez, 38 years-old.

Sa edad pa lang na 13, ako’y naulila na sa mga magulang. Dito nagsimulang gumuho ang aking mga pangarap. Damdam ko po, ako’y hindi na makakalas sa suliranin sa buhay.

Araw-araw po ay sinisikap kong makatayo sa sarili kong mga paa upang ako ay mabuhay. Subali’t tila hindi ako makaahon. Bagkus tila ang kakambal ko ay tukso, mga pagsubok at mga problema sa buhay.

Ako’y naging marupok. Marahil dala ito ng Kapaskuhan.

Isang araw noon, galing ako sa trabaho at habang ako’y naglalakad pauwi ay nadaanan ko ang isang grupo ng mga nag-iinumang kalalakihan.

Inalok nila ako. Pero dahil sa sobrang pagod ay tinanggihan ko sila pero ito ay ikinagalit ng isa sa grupo. Nakita kong bumunot siya ng balisong at ako ay inundayan ng saksak.

Ipinagtanggol ko siyempre ang aking sarili hanggang sa mapatay ko ang isa sa kanila.

Kaya, heto ako, nakakulong sa pambansang piitan.

Hindi ko po alam kung makakakalag pa ako sa tanikala ng mga suliranin.

Nawa’y sa tulong ng inyong kolum ay mapayuhan po ninyo ako at mailathala ang pangalan ko para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Sana po, makatagpo ako ng mga kaibigan na hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng tao.

Maraming salamat po at pagpalain nawa kayo ng ating Panginoon.

Gumagalang,
Criz Sanchez

1-B Student Dorm,
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Cris,

Isa ring masaganang pagbati sa iyo.

Huwag kang mawawalan ng pag-asa sa buhay sa kabila ng pag-aakala mo na nakatanikala ka na sa mga problema.

Kung minsan, ang problema ay laging nakaakibat sa isang tao, dala marahil na rin ng mga maling desisyon.

Huwag kang mawawalan ng loob. Palagi kang dumalangin na sana, laging nasa tama ang mga desisyon mo sa buhay.

Darating din ang araw na bibihisin ka sa lahat mong paghihirap.

Huwag ka lang kakalas sa Kanya. Sa ating Panginoon na siyang laging gumagabay sa akin.

Dr. Love

Show comments