Bumabati po ako sa inyo ng isang masayang Pasko at Manigong Bagong Taon.
Inaasahan ko po na nasa mabuti kayong kalagayan kasama na ang mga mahal ninyo sa buhay at buong staff ng PSN.
Ako po si Nicanor P. Miranda, Jr., 36 taong-gulang, tubong Cagayan Valley.
Sa kasalukuyan po ay nakapiit ako sa pambansang bilangguan dahil sa hindi sinasadyang pagkakapatay ko sa aking bayaw.
Kung bakit po, ilalahad ko sa inyo ang pinagmulan ng kasalukuyan kong malungkot na kalagayan sa buhay.
Taong 1994 noon at nasa poder pa ako ng aking mga magulang kasama ko ang aking dalawang kapatid na babae. Panganay ako sa tatlong magkakapatid.
Isang araw, nadatnan ko sa bahay ang aking kapatid at kanyang asawa na nag-aaway. Hindi ko muna pinansin yaon.
Matapos ang ilang buwan, galing noon ako sa trabaho, muli kong inabutan ang mag-asawa na nag-aaway uli.
Sa tuwi namang mag-aaway sila, parating may mga pasa sa katawan ang aking kapatid. Hindi ko naman sila puwedeng panghimasukan dahil ika ko, away mag-asawa lang yaon.
Subalit ang huling pag-aaway nila ay hindi ko na maisasan-tabi lalo na nang lumabas ako sa kuwarto ay nakita kong tumutulo ang dugo sa ulo ng aking kapatid.
Pinalo pala siya ng magaling niyang asawa.
Sa pagkakataong yaon, hindi ko na naisip kung ano ang mangyayari. Sa sobrang galit ko, nakuha ko ang isang kutsilyo at inundayan ko ng saksak ang aking bayaw hanggang siya ay mamatay.
Nangyari ang hindi dapat na mangyari. Nagdurusa ako ngayon sa pag-iinit ng aking ulo.
Ang pinanghihinayangan ko lang ay ang aking trabaho. Maganda sana ang trabaho ko noon. Ni isang benepisyo ay wala akong nakuha dahil sa pangyayaring ito.
Ang masakit pa nito, dahil sa pagkakakulong ko, sumama sa iba ang aking live-in partner.
Sa ngayon, unti-unti ko nang natatanggap na ang insidenteng naganap ay isang uri ng pagsubok.
Hindi ako nagsisisi sa pagpatay sa aking bayaw. Tanggap ko na rin ang pagkatalo ko sa aking apela sa korte.
Ang paglapit ko ngayon sa inyo ay para humingi ng tulong para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Magkaroon po sana ako ng isang kaibigan na hindi mapanghusga.
Thank you and more power,
Nicanor P. Miranda Jr.
111 Student Dorm,
Bldg. 1, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Nicanor,
Isang mapayapang Pasko at manigong bagong taon.
Sana, matagpuan mo ang hangad mong pagkakaroon ng mga kaibigan sa panulat na makakaunawa sa kasalukuyan mong kalagayan.
Alisin mo ang poot sa puso mo sa panahong ito ng Pasko at asahan mong lalaya ka sa kalungkutan at mawawala ang iyong mga agam-agam.
Gaya nga ng sinabi mo na, tanggap mo na ang pangyayari na inilagay mo sa iyong mga kamay ang batas.
Ang mahalaga, nagpapakabuti ka na ngayon at kahit ka nasa piitan, nagsisikap kang mag-aral muli para paglaya mo, may magagamit kang puhunan sa pagbabagong-buhay.
Ginusto ng Maykapal ang nangyari para mamulat ang mga mata mo na hindi laging mabuti ang pagiging mapusok.
Nailigtas mo ang kapatid mo sa kalupitan ng kanyang asawa at ang kapalit nito ay ang kalayaan mo.
Sana ay mamulat din ang mga mata ng kapatid mo na sa paghanap ng kapartner sa buhay, mahalaga ang pagbibigay-respeto sa kanyang pagkatao bukod sa pagmamahal.
Pagmamahal sa kapatid kaya ka nakulong at gusto mong igalang siya ng kanyang asawa at hindi dapat na saktan.
Dr. Love