Dahil sa selos

Dear Dr. Love,

Greetings in the name of Jesus Christ!

Lumiham po ako sa inyong malaganap na column dahil sa pag-asang matutulungan ninyo ako sa aking problema.

Pero bago ko po isalaysay ang karanasan ko sa buhay, nais kong magpakilala muna sa inyo.

Ako po si Michael R. Parohinog, tubong Iloilo. Sa bayan ko rin po naganap ang kasong kinasangkutan ko kung kaya narito ako ngayon sa piitan.

Taong 2000, Setyembre 17, nagkaroon ako ng isang matinding pagsubok sa buhay, isang pangyayaring bunga ng selos.

Mayroong birthday party ang matalik na kaibigan ng pinsan ko.

Hindi ko alam na sa party palang pupuntahan namin magaganap ang isang pangyayari na siyang makapagdudulot sa akin ng malaking problema sa buhay.

Niyaya ako ng pinsan kong babae sa party ng kanyang matalik na kaibigan.

Dahil malamig, hiniram ng pinsan ko ang aking suot na jacket.

Hindi ko alam na ito pala ang pagsisimulan ng selos ng kanyang boyfriend.

Nagsasayaw kami ng pinsan ko nang lumapit na lang at sukat ang kanyang nobyo at inundayan ako ng saksak.

Hindi niya ako tinamaan dahil maagap akong nakailag pero ang tinamaan ng saksak ay ang pinsan ko.

Dito sumulak ang aking galit at sa hindi ko napigilang simbuyo ng damdamin, sinaksak ko rin ang nobyo ng pinsan ko.

Awang-awa ako sa pinsan ko dahil tinamaan siya ng saksak sa tagiliran at nagkaroon siya ng diprensiya sa kaliwang kamay.

Ang pasalamat ko lang, hindi namatay ang pinsan ko pero lumiit ang kaliwa niyang bibig.

Sinampahan ako ng kasong homicide at nahatulan ng pagkabilanggong walong taon.

Hindi ko po pinagsisihan ang ginawa kong pagtatanggol sa pinsan kong babae.

Kahit nga ganito ang naging kalagayan ko, naipagtanggol ko naman siya sa tiyak na kamatayan.

Dr. Love, nais ko pong hingin ang tulong ng column ninyo para magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Masyadong malungkot po dito sa loob. Ang hanap ko po yung makakaunawa sa aking kalagayan at tatanggapin ako anuman ang sitwasyong kinasangkutan ko.

Kahit po naririto ako sa piitan, naipagpapatuloy ko naman ang aking pag-aaral dahil mayroong kumpletong educational program dito.

Sana po, matulungan ninyo ako sa aking kahilingan.

Salamat po at mabuhay kayo at ang inyong pasulatan.

Gumagalang,
Michael Parohinog

Student Dorm, SCYO,
MSC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Michael,


Salamat sa liham mo at sana sa pamamagitan ng pitak na ito ay marami kang makilala para maging mga kaibigan sa panulat.

Natutuwa naman kami at kahit nasa likod ka ng rehas na bakal, sinisikap mong maipagpatuloy ang pag-aaral na siya mong magiging gabay sa pagsalunga sa buhay sa sandaling makalaya ka na.

Ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti, huwag mong iinitan ang ulo mo para magkaroon ka ng magandang record na siyang magiging daan para maging kuwalipikado ka sa mga mapapalaya nang maaga.

Makakatulong din sa pagbabawas ng kalungkutan mo sa loob ang pagbabasa at pananalangin para ibayo ka pang magabayan sa hangad mong rehabilitasyon.

Good luck to you at nawa’y magkaroon ka ng maraming kaibigan.

Masuwerte ang pinsan mo sa pagkakaroon ng pinsan na katulad mo na hindi inalintana ang pansariling kalagayan mailigtas lang siya sa tiyak na kapahamakan.

Dr. Love

Show comments