Tomboy

Dear Dr. Love,

Kumusta ka Dr. Love? Bumabati ako sa iyo at sa milyon mong mga tagasubaybay. Sana’y lagi kayong pinapatnubayan ng Diyos at malayo sa sakuna.

Itago mo na lang ako sa pangalang Jesi. Jesusa ang tunay kong pangalan. Hindi ko na sasabihin ang apelyido ko para hindi mabunyag ang aking identity sa mga kakilala kong nagbabasa rin ng PSN. Hindi kasi ako ladlad. Isa akong tomboy pero hindi alam ng aking mga magulang. Walang ibang nakaaalam kundi ang girlfriend ko na akala ng marami ay kaibigan kong matalik. Maganda ako. Sabi ng mga nanliligaw sa akin, ang aking pagiging simple ang nakaakit sa kanila. Hindi kasi ako nagme-makeup. Paano nga, isa akong tibo. May gusto ang aking mga magulang na ipakasal sa akin. Naniniwala ka ba sa bethrotal o arranged marriage?

Niligawan naman ako ng lalaking ipinagkasundo sa akin at tinatanggap ko siya nang maayos tuwing aakyat ng ligaw. Wala kasi akong choice dahil mga magulang ko ang may gusto.

Mahal na mahal ko ang girlfriend ko at worried nga siya na baka makumbinsi akong pakasalan ang lalaking gusto ng aking mga magulang .

Ano’ng gagawin ko?

Jesi


Dear Jesi,


Hindi ako pabor na ang mga magulang ang siyang magpapasya tungkol sa mapapangasawa ng kanilang anak. Sa maraming pagkakataon, dapat sundin ng anak ang kanyang mga magulang. Pero may mga bagay na ang indibidwal ang dapat masunod at hindi puwedeng diktahan kahit ng kanyang magulang.

Pagdating sa pagpili ng magiging asawa, ang magagawa lang ng magulang ay magbigay ng payo. Anak pa rin ang huling nagpapasya. Mas mahirap ang kaso mo dahil pusong lalaki ka. Pero just the same, pagdating sa magiging lifetime partner mo, walang pakialam ang iyong mga magulang.

Ang kasal ay panghabambuhay. Kung magpapakasal ka sa lalaking hindi mo gusto, kaligayahan mo ang mapapariwara. Pero isipin mo rin na mali ring makipagrelasyon ang babae sa kapwa babae o lalaki sa kapwa lalaki.

Maligaya ka man ngayon, panandalian lang iyan dahil ang anumang bagay na materyal ay hindi nagtatagal. Humingi ka ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na panalangin para gabayan niya ang iyong landas.

Dr. Love

Show comments