Isa po ako sa libu-libong umiidolo sa inyo at tumatangkilik sa inyong malaganap na pahayagang Pilipino Star Ngayon.
Lumiham po ako sa inyo para maiambag ko sa mga mambabasa ang mapait kong kahapon para kapulutan ng aral ng mga may problema sa buhay tulad ng nangyari sa akin.
Ayon po sa aming ina, maaga kaming naulila sa ama kayat sa murang gulang na 16, marami na akong karanasan sa trabaho.
Natuto akong magmaneho kayat namasada ako ng jeepney para makatulong sa aking ina at dalawa kong kapatid na babae.
Sa hindi kalayuan sa aming terminal, may isang restaurant na ang may-ari ay nagngangalang Ruth. Mabait si Ruth at masarap pang magluto bukod pa sa maganda.
Tumibok ang aking puso at ipinagtapat ko ito sa kanya at pinalad namang tanggapin niya ang inihain kong pagmamahal.
Pero ang matamis naming pag-iibigan ay tila ayaw ng langit dahil hindi kalaunan ay namatay ang aking ina sa atake sa puso. Nataon pa na ang minamaneho kong jeep ay ibinenta ng may-ari nito.
Dahil dito, naisipan ko na mag-abroad at pinayagan naman ako ni Ruth.
Noong 1994, pinalad akong matanggap sa Jeddah para magmaneho ng sasakyan sa Al Rashid Co. Naging masipag ako sa trabaho para makaipon para makatulong sa aking mga kapatid na iniwan ko sa pag-aalaga ni Ruth at gayundin sa katuparan ng mga pangarap namin ni Ruth.
Dalawang buwan bago matapos ang aking kontraba, nabalitaan ko na nag-asawa uli ang ina ni Ruth. Hindi pa natatapos ang kontrata ko, biglaang tumawag ang ina ni Ruth dahil ang aking kapatid at ang minamahal kong si Ruth ay namatay.
Sa pag-uwi ko, nalaman ko na ang aking kapatid at si Ruth ay pinatay ng asawang kauli ng kanyang ina. Ang masakit pa nito, bago pinaslang, ginahasa pa ang dalawang babae sa pagsusuri ng doktor.
Tumakas ang salarin. Matapos mailibing ang aking kapatid at si Ruth, sinimulan ko na ang paghahanap sa taong lumapastangan sa kanila.
Nag-alok ako ng halaga para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng salarin. Natunton naman ito at noong Nobyembre 3, 1996, dakong alas-9 ng gabi, inabutan kong nakikipag-inuman ito kasama ang kanyang mga barkada.
Hindi ko nagawang magpakahinahon at kaagad kong binaril at namatay ang taong may kagagawan ng pagkamatay ng aking kapatid at ni Ruth.
Inaresto ako ng mga alagad ng batas, nilitis at nahatulan ng pagkabilanggo nang mula 17 taon hanggang 20 taon. Noong 2000, inilipat ako sa Davao Prison and Penal Farm.
Bunga ng pangyayaring wala naman akong record at nagpakita ng lubos na pagsisisi at puspusang rehabilitasyon, nakasama ako sa mga palalayain ng Pangulong Gloria Arroyo sa 2007.
Sana po, mailathala ninyo ang liham na ito bago mag-Disyembre 20 bilang regalo sa aking birthday.
Ang problema ko rin po ay nangangamba ako sa aking nalalapit na paglaya dahil hindi ko alam kung saan at paano uli ako magsisimula.
Sana po, mapayuhan ninyo ako at hangad ko rin pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Gumagalang,
Chito M. Gandia
Maximum Compound,
Dapecol, Panabo City 8105
Davao del Norte
Dear Chito,
Nalulugod ang pitak na ito na mabatid na sa mahusay mong pagpapakita ng kabutihan, nalalapit na ang paglaya mo sa bilangguan.
Huwag kang mangamba sa hinaharap mong pakikitunggali uli sa buhay paglabas mo sa laya dahil kung ano ang ipinakita mong pagpapakabuti sa loob, iyon din sana ang pagpapakabuting ipakita mo sa muli mong paglaya.
Hindi natutulog ang Panginoon at dahil sa likas ka namang mabuti, nakabilang sa mga maagang palalayain.
Pinagsisihan mo na ang kabiglaanan mo at sana, tanggapin ka uli ng lipunan nang may pag-unawa.
Hangad ng pitak na ito ang patuloy mong pagtanggap ng mga biyaya. Huwag mong kalilimutan ang Nasa Itaas na siyang nakakaalam ng lahat.
Dr. Love