^

Dr. Love

Sobrang pagmamahal: Isang bangungot

-
Dear Dr. Love,

Isa po ako sa libu-libong umiidolo sa inyo at tumatangkilik sa sikat ninyong pahayagan.

Tunay pong nakapagdudulot ng aliw at kapayapaan ng damdamin ang mga payong ibinibigay ninyo sa mga sumusulat sa inyo para idulog ang kanilang mga problema sa buhay.

Kaya naman po naglakas-loob akong sumulat sa inyo para maibahagi sa inyong mga mambabasa ang napakasakit kong karanasan sa buhay.

Musmos pa lang ako nang iwan kami ng aming ama kaya hindi ako nakatapos ng pag-aaral dahil sa kapos kami sa pera. Hanggang high school lang po ang naabot ko kaya nahirapan akong makahanap ng magandang trabaho.

Sa tulong ng isang malapit kong kaibigan, natanggap ako bilang isang messenger at dito ko nakilala si Joan, ang babaeng nagpatibok ng aking puso at pinalad naman ako sa kanyang pagtatangi.

Nagpakasal kami sa huwes at nagkaroon kami ng supling.

Ang akala ko, tuluy-tuloy na ang magandang suwerte sa aking buhay. May malaki palang pagsubok na naghihintay sa aking buhay.

Minsan, malapit lang sa aming bahay ang paghahatiran ko ng sulat kaya naisipan kong dumaan sa aming bahay. Hindi ko alam na mayroon palang kalokohang ginagawa ang aking si Joan tuwing wala ako sa bahay dahil laging gabi na ako kung makauwi sa aming tahanan.

Sa kusina ako dumaan sa pagkakataong iyon para ikako ay sorpresahin ko ang aking asawa.

Ngunit nang ako ay makapasok na sa loob ng aming bahay, ako pala ang masosorpresa sa ginagawa ni Joan at ng kanyang lalaki. Ang hindi ko matanggap ay sa loob pa mismo ng aming tahanan ginagawa ng aking asawa ang pagyurak sa aking dangal.

Para akong napako sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam ang aking gagawin. Gusto ko silang sugurin at patayin pero hindi ko ito nagawa.

Nangibabaw pa rin ang aking pagmamahal kay Joan.

Umalis akong tulala at habang pinatatakbo ang dala kong multicab, hindi ko alam na nakasagasa na pala ako ng isang tao na naglalakad sa tabi ng daan.

Nakulong ako at nang matapos ang paglilitis, nahatulan ako ng habambuhay na pagkabilanggo. Nalipat ako sa Davao Prison and Penal Farm.

Ni minsan ay hindi ako dinalaw ang aking asawa at makaraan ng ilang panahon, nabalitaan kong sumama na siya sa kanyang kalaguyo kasama ang aming anak.

Tanggap ko na sana ang naganap sa buhay ko pero ang iwan ng asawa at anak ay hindi ko matanggap.

Kahit anong gawin ko para makalimot ay hindi ko makuhang gawin. Parang isang bangungot ang nangyari sa aking buhay.

Ang tanging konsuwelo ko na lang ay nalalapit na ang aking paglaya sa 2010. Nababaan ang aking sentensiya dahil sa magandang ipinakikita ko sa kulungan.

May isa po akong kahilingan sa liham na ito. Sana po, sa paglalathala ninyo ng aking pangalan, maging daan ito sa pagkakatagpo ko sa aking ama na 23 taon ko nang hindi nakikita at gayundin sa kapatid ng aking ina na 18 taon nang nawawala.

Gusto ko ring magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para naman maibsan ang aking kalungkutan dito sa loob.

Maraming salamat po at more power to you.

Gumagalang,

Roy Hud R. Solis


Maximum Security Compound,

Dapecol, Davao del Norte,

Panabo City 8105


Dear Roy,


Masakit nga ang mawalan ng kabiyak at anak pero higit na masakit ang makulong sa isang pangyayaring ang dahilan ay ang ginawang paglapastangan ng asawa ng kanyang kabiyak.

Ipinakita mong talagang mahal mo ang asawa sa kabila ng ginawa niya sa iyo. Iba ang hindi mo sinasadyang napatay dahil sa galit na namamahay sa iyong puso noong sandaling iyon.

Kinilala naman ito ng mga awtoridad nang ibaba ang hatol sa iyo.

Pagbutihin mo pa ang pagtitika at pagpapaunlad sa sarili kahit nariyan ka sa loob. Matuto mo na ring patawarin ang taksil mong kabiyak at sa sandaling lumaya ka na, sana huwag mo na siyang paghigantihan. Gayundin ang kalaguyo niya.

Ang hanapin mo na lang ay ang iyong anak sa sandaling may matatag ka ng trabaho. Sana rin, sa pamamagitan ng pitak na ito, ay magkaroon na kayo ng kaugnayan ng iyong ama at kapatid ng iyong ina na matagal na nawalay sa inyo. Balitaan mo kami sa sandaling mangyari ito ha.

Nasa pagpapatawad ang kapayapaan ng damdamin at makikita mo, higit kang pagpapalain at susuwertihin sa buhay.

Hangad ng pitak na ito ang pagkatupad ng iyong hangarin sa buhay.

Dr Love

AKING

AKO

AMING

BUHAY

DAVAO PRISON AND PENAL FARM

DEAR ROY

DR LOVE

DR. LOVE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with