One-day millionaire

Dear Dr. Love,

Bumabati ako sa pamamagitan ng iyong malaganap na kolum sa lahat ng iyong mga tagasubaybay, staff ng PSN at lalung-lalo na sa iyo, Dr. Love. Damdam ko’y pasan ko ang buong mundo sa bigat ng aking problema. Tawagin mo na lang akong Mercy, 40-anyos at yumao na ang aking asawa na tanging inaasahan ko sa pagtataguyod ng aming pamilya.

Mahusay na ahente ang mister ko. Ang negosyo niya’y buy and sell ng mga kotse. Maginhawa ang buhay namin noon at matiwasay naming naitataguyod ang pag-aaral ng dalawa kong anak. Ang isa’y first year college pa lang at ang isa’y third year na at magtatapos na ng Commerce sa susunod na taon.

Nang nabubuhay pa ang mister ko, hindi namin nakaugaliang mag-impok. May ipon kami sa banko pero kakatiting. Nang yumao siya’y P80,000 lang ang laman ng aming libreta de banko. Ubos na ito ngayon sa matrikula ng aking dalawang anak. One-day millionaire kami. Ni hindi kami nakabili ng sariling bahay at lupa. Kaya madali man ang dating ng salapi sa amin, mabilis ding mawala. Akala ko’y habambuhay ang ganyang kalagayan. Nang mamatay siya’y malaking dagok sa akin dahil wala akong hanapbuhay. Hindi niya ako pinayagang magtrabaho nang siya’y buhay pa.

Dalawang taon na siyang patay ngayon at hindi ko alam kung paano maitataguyod pa ang pag-aaral ng aking mga anak. Nagtrabaho ako bilang isang sekretarya sa isang pabrika pero minimum lang ang suweldo ko at hindi magkasya.

May nanliligaw sa aking mayaman pero may asawa siya. Nangako siya na susustentuhan ang lahat ng pangangailangan ko kung makikipag-live-in ako sa kanya. Ano ang gagawin ko? Tatanggapin ko ba siya?

Mercy


Dear Mercy,


Alam mong sa batas ng Diyos at ng tao’y kasalanan iyang pangangalunya. Para ka na ring isang prostitute kapag pumatol ka sa isang lalaki dahil lamang sa pera.

Magtrabaho ka na lang ng marangal at i-program ang pag-aaral ng iyong anak. Kung sino yung malapit nang matapos ay papagtapusin mo at medyo hinto muna yung isa. Kapag natapos na iyong isa ay makatutulong siya para papag-aralin yung naiwan. Kausapin mo ang iyong mga anak at mauunawaan ka nila dahil nakikita naman nila ang sitwasyon. O kaya naman, hikayatin mo silang mag-working students para gumaan ang iyong pasanin. Subukan mo ring magnegosyo nang kaunti para madagdagan ang kita mo. If there’s a will, there’s a way.

Sana’y maging aral ito sa ibang mag-asawa. Habang malakas ang kita, matutong mag-impok. Bawasan ang luho at gumastos lamang sa mga pangunahing pangangailangan.

Dr. Love

Show comments