Pepeng tiyope

Dear Dr. Love,

Nakakahiya man, iyan ang tawag sa akin ng marami kong kabarkada. Pepeng Tiyope. Kasi, 20-anyos na ako at hindi pa nakakaranas magka-girlfriend dahil natotorpe akong manligaw sa mga babaeng type ko.

Tawagin mo na lang akong Jose at ang palayaw ko ay Pepe. Isa akong engineering student. Hindi ko na babanggitin ang buo kong pangalan dahil nahihiya ako. Baka mabasa ng aking mga kabarkada at lalo akong kantiyawan. Mahusay akong gumawa ng love letter. Mula pa noong high school ay ako na ang tagasulat ng love letter ng aking mga kaklase.

Marami sa mga kabarkada ko ang nagka-siyota dahil sa ganda ng aking mga sulat. Pero nagtataka ako kung bakit para sa sarili ko, hindi ako makadiskarte sa babaeng gusto ko. Puro ligaw-tingin, halik sa hangin.

Hindi kasi ako kaguwapuhan tulad ng mga kabarkada ko na puro crush ng bayan. Medyo marami akong pimples at nahihiya akong makiharap sa mga kababaihan sa aming eskuwela.

May paraan ba para ma-overcome ko ang problema kong ito?

Jose


Dear Jose,


Wala kang self-confidence. Iyan ang problema mo. Noong estudyante pa ako, marami akong kaklase na hindi lang inupakan ng tigidig ang mukha kundi sarat pa ang ilong pero maraming girlfriends. Magaganda pa. Karamihan sa mga babae’y hindi tumitingin sa kaguwapuhan kundi sa ugali. Basta maginoo, mabait at matalino, may appeal sa kanila.

Kung magaling kang sumulat at naiimpress ang mga babae sa mga love letters na akala nila’y isinulat ng kanilang manliligaw, walang dahilan kung bakit hindi ito eepekto sa sarili mo. Just do it.

Sulatan mo ang babaeng type mo because there’s nothing to lose except your inferiority complex.

Kung kaklase mo lang ako, ako na ang mangangahas sumulat at magpadala nito sa babaeng kursunada mo. Kaso tapos na ako sa stage na iyan.

Dr. Love

Show comments