Kumusta ka? Sanay datnan ka ng liham kong ito na nasa mabuting kalusugan. Tawagin mo na lang akong Glenda, 22-anyos at isang GRO sa isang maliit na videoke.
Napilitan lang akong pumasok sa trabahong ito dahil first year lang ang natapos ko sa high school. Di na ako nakapagpatuloy dahil sa kahirapan ng buhay.
Ako rin ang mag-isang nagtataguyod sa aking mga magulang na pareho nang matanda. Ang lima kong kapatid na lalaki ay may mga asawa na at hindi na namin nabalitaan kung nasaan na sila.
Kahit ganito ang trabaho ko, hindi ko isinakripisyo ang aking dangal. Dalaga pa rin ako at buung-buo. Nag-eestima lang ako at tume-table sa mga lalaking parokyano ng videoke. Kumikita ako sa ladys drinks at sa tip na natatanggap ko. Hindi na masama ang kinikita kong limangdan hanggang isang libong piso isang gabi. May itsura naman ako pero hanggang patakbuhing club lang ang kaya kong pasukan dahil hindi ako marunong mag-ingles at kulang sa personalidad para makiharap sa mga bigating tao.
May mga manliligaw ako pero wala akong sinasagot dahil takot ako. Baka katawan ko lang ang gusto nila dahil sa trabaho ko. Gusto ko nang kumawala sa trabahong ito pero kailangan ko pang kumita. Anong dapat kong gawin?
Glenda
Dear Glenda,
Tama ka. Malamang pagdudahan ang iyong pagkatao at pagsamantalahan ka lang ng mga lalaki kung hindi ka maingat. Medyo malaki pala ang kinikita mo. Mag-impok ka habang bata ka pa at ilang taon pa, mawawala na ang kasariwaan mo at baka wala nang tumeybol na customer sa iyo. Tama ang ginagawa mong pangangalaga sa iyong pagkadalaga. Bihira ang katulad mo. Huwag kang patutuksong lumabas para lamang kumita ng mas malaki.
Gaya nang sinabi ko, mag-impok ka. Kung kumita ka ng isanlibong piso, i-banko mo ang limandaan at panggastos ninyo ang kalahati. Kung limangdaan ang kinita mo, i-banko mo ang kalahati. Tutal, ang mga magulang mo lang naman ang itinataguyod mo. Naniniwala ako na matapos ang isang taon, may sapat ka nang puhunan para magtayo ng isang maliit na sari-sari store. Sa gayung paraan, makakahulagpos ka na sa kasalukuyan mong trabaho.
Dr. Love