Mayroon ngang ginawa ang Diyos sa ating bansa na isinagawa namin at iba pang mga grupo na nananalangin nito subalit hindi pa natin lubusang nararanasan ang kapayapaan at kasaganaan na ipinangako ng Diyos sa sinuman na lumapit at sumunod sa Kanya.
Ito ang dahilan sa paglulunsad namin sa tinatawag na "Sagip Bansa Movement" may ilang buwan na ang nakakaraan at kamakailan lamang ay dinaluhan ng may 10,000 tao sa Folk Arts Theater para sa isang prayer vigil.
Ang konseptong ito ay para ang mga anak ng Diyos ay manalangin nang walang patid sa loob ng 24 oras hanggang sa kumilos ang Diyos para baguhin ang ating bansa laban sa mga kasalanan at kasamaan.
Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang mga nagaganap na pangyayari sa ating bansa.
Ito pa rin ay lugmok sa kahirapan,
Malawakan ang katiwalian sa gobyerno at sa pribadong sektor, laganap ang patayan, karahasan, at ibat ibang mga kaganapang masasama.
Nananawagan kami sa lahat ng mga anak ng Diyos na lumahok sa panalangin na pinangungunahan ng Sagip Bansa Movement na nilahukan ng IFP, CBN (Christian Broadcasting Network), Jesus Revolution, Jesus Is Lord Church, Philippine for Jesus Movement, Bangon Pilipinas at International Bible Society.
Ang ating bansa ay hinog na upang husgahan ng Diyos dahil sa mga kasalanan at kasamaan na ginagawa dito pero bilang mga anak ng Diyos, tayo ay tumatayong tagapamagitan para hingiin sa Diyos ang Kanyang habag at awa na huwag na Niyang ituloy ang paghatol sa ating bansa dahil magiging kawawa tayo pati na ang ating mga anak o pamilya.
Kapag nagkakaisa tayong mga sumasampalataya sa Panginoong Jesus, humihingi ng habag at awa sa ating Diyos, sa halip na parusa or husgahan, pagpapala ang darating sa ating bansa. Gaya ng bansang Nineveh sa kapanahunan ni Propetang Jonah kung saan siyay inatasan ng Diyos na puntahan ang lugar na ito at sabihin sa mga tao na naninirahan dito na silay tumalikod o pagsisihan nila ang mga nagawa nilang mga kasalanan o kasamaan. At iyon nga ang ginawa ng hari at ang lahat ng mga taong naninirahan dito ay tinalikuran ang kanilang mga gawaing kasamaan at kasalanan at hindi na itinutuloy ang nakaabang Niyang parusa sa bansang ito.
Ito rin ang mangyayari sa ating bansa kapag tayo ay maninindigan sa katotohanan at lumalakad sa katuwiran at kabanalan. Gawin na natin ito bago maging huli pa ang lahat.
Kuya Dan Balais ng Mandaluyong City