Marupok na pag-ibig

Dear Dr. Love,

Sumulat po ako sa inyo upang humingi ng payo. Nagkaroon ako ng girlfriend noong 2004. Nakilala niya po ako sa diyaryo dahil isinama ng aking kaibigan na ma-publish ang aking pangalan kung kaya’t ako’y sinulatan ni Aileen.

Nagtagal ang aming pagsusulatan. Isang taon na kami noon bago ko ipinagtapat sa kanya na isa akong bilanggo na natanggap naman niya hanggang siya’y aking niligawan at ako’y pinalad na maging boyfriend ni Aileen na naging dahilan ng aking kaligayahan.

Nang lumaon ay ipinagtapat sa akin ni Aileen na siya’y isang balo at may tatlong anak. Hindi naging balakid ang aking pagmamahal sa kanyang katayuan bagkus ay aking tinanggap at higit ko pa siyang minahal sa aking buhay.

Dr. Love, noong December 24, 2004, dinalaw ako ni Aileen sa gate ng Maximum Compound. Napakasaya ko dahil sa aking girlfriend. January 26 ay muli siyang dumalaw at nakapasok sa loob ng compound. Sabi ko sa kanya ay puwede kaming magpakasal dito dahil legal ang mga ikinakasal sa loob at ito’y aking ipaaalam sa aking mga magulang at mga kapatid sa probinsiya.

Subalit may naghudas sa akin at sinabi kay Aileen na may dumadalaw daw na iba sa akin sa loob at mayroon daw akong anak at asawa. Nakarating kay Aileen ang mga paninira sa akin.

Ipinaliwanag ko sa kanya na walang katotohanan ang mga paninirang ito at tanging siya lamang ang dumadalaw sa akin. Lagi kong sinusulatan si Aileen subalit ‘di man lang niya sinasagot ang aking mga liham at hindi na rin siya muling dumalaw.

Magdadalawang-taon na po akong walang balita kay Aileen at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ako sa kanya dahil mahal na mahal ko po siya. Ang kanyang mga larawan na lamang ang aking iniingatan at labis ang aking kalungkutang nadarama.

Dr. Love, ano po ang dapat kong gawin? Sana ay mapagpayuhan po ninyo ako at sana’y matulungan ninyo akong magkaroon ng isang tapat na babae na aking pakakasalan sa tulong n’yo. Maraming salamat po. God bless you always!

Respectfully yours,

Jaime Ermita, 41

Bldg. 2 Cell 134, Student Dorm,

Camp Sampaguita 1776

Muntinlupa City


Dear Jaime,


Napakarupok ng pag-ibig sa iyo ni Aileen. Bakit naman agad siyang naniwala sa sabi-sabi? Sa palagay ko ay hindi ganoon kalalim ang pag-ibig niya sa iyo kaya agad siyang naglaho sa buhay mo.

Kalimutan mo na siya. It’s time to move on. Mahabang panahon na ang dalawang taon para maghintay pa sa kanya. Baka naghihintay ka lang sa wala ay sayang naman ang panahon.

Dalangin ko na sa paglalathalang ito ng liham mo ay may mga susulat sa iyo na muling magpapatibok ng iyong puso, katulad ng ibang mga katulad mo ang kalagayan na natulungan ng column na ito para muling magkaroon ng ngiti sa kanilang mga labi bunga ng pag-usbong ng bagong pag-ibig sa kanilang buhay. Goodluck and God bless.

Dr. Love

Show comments