Matandang dalaga

Dear Dr. Love,

A very pleasant day to you and all the staff of PSN. Just call me Martha, 67-anyos at isang matandang dalaga.

Hindi naman ako pangit noong araw pero hindi na ako nag-boyfriend sapul nang mapikot ang aking first boyfriend at nagpakasal sa iba.

Ewan ko. Sabi nila man-hater daw ako. Siguro nga dahil matagal bago naghilom ang sugat sa puso ko. Pero ngayo’y limot ko na ang lahat ng sakit na nadama ko noon.

May konti naman akong investment sa money market na siya kong inaasahan ngayong matanda na ako. Umuupa lang ako ng isang condo unit dito sa Makati.

Paminsan-minsan, nagbabakasyon ako sa aking mga pamangkin para naman mapawi ang lungkot ko. Mahirap din ang walang anak na mag-aaruga sa araw ng iyong pagtanda.

Hindi ko inaasahan na sa edad kong ito’y may manligaw pa sa akin. Tawagin mo na lang siyang Manolo, 71-anyos. Mabait siya at dahil isa nang biyudo, naghahanap daw siya ng companionship.

Napapalapit ang damdamin ko sa kanya. Pero ang worry ko ay pareho na kaming matanda. Baka sabay kaming magkasakit ay sino ang mag-aalaga sa amin. Ano ang gagawin ko?

Martha


Dear Martha,


Nagwo-worry ka na paano kung sabay kayong magkasakit. Kung mananatili ba kayong single ay hindi na kayo magkakasakit? At magiging mas mahirap ang kalagayan ng isang matandang walang nagmamalasakit na kapartner.

Walang masama kung magkatuluyan kayo. Mas makabubuti pa nga iyan dahil ang partnership ninyo’y posibleng maging daan para magkaroon kayo ng kalakasan. Malaki ang himalang nagagawa ng pag-ibig.

So, if you love each other, go for it.

Dr. Love

Show comments