Kapusukan

Dear Dr. Love,
Pasensya na po kayo dahil wala akong ibang madudulugan sa aking mabigat na problema.

Itago mo na lang ako sa pangalang Agnes. Hindi iyan ang tunay kong pangalan dahil baka ako makagalitan ng mga magulang ko sa aking ihahayag na problema.

Sixteen years-old lang ako at nasa high school. Nagkaroon ako ng boyfriend at may nangyari sa amin. Tatlong beses nangyari ito at ngayo’y pregnant ako. Habang isinusulat ko ito, isang buwan na ang aking dinadala.

Hindi ko malaman kung paano ko ito sasabihin sa aking mga magulang. Tiyak kagagalitan ako at baka pagbuhatan ng kamay.

Gusto ko sana’y magtanan na lang kami ng aking boyfriend pero mukhang iniiwasan na niya ako.

Hindi ko kaya ang ganitong problema. Kung hindi ako makahanap ng solusyon ay baka magpakamatay na lang ako.

Sana matulungan mo ako. Sana mailathala mo agad ang iyong kasagutan sa problema ko.
Agnes


Dear Agnes,

Nangyari na iyan at sisihin ka man ay huli na ang lahat. Lahat ng tao ay nagkakamali at ang nangyari sa iyo’y bunga ng kapusukan ng kabataan.

Huwag mong lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagpapakamatay dahil mas mabigat na problema ang ibibigay mo sa iyong sarili pati na sa iyong mauulilang mga magulang at kapatid.

Kahit takot kang sabihin ito sa iyong mga magulang, iyan ang tamang dapat mong gawin. Karapatan nilang malaman ang pinapasan mong problema dahil walang ibang tutulong sa iyo kundi sila. Kung hindi mo magawa, hingin mo ang tulong ng taong inaakala mong makauunawa sa iyo. Maaaring isang pastor o pari. Puwede kang samahan ng mga taong ito upang ipabatid sa mga magulang mo ang problema. Sa mahinahon nilang pagpapaliwanag, maiiwasan na maging bayolente ang iyong mga magulang.

Naniniwala akong magalit man sila, ito’y pansamantala lamang at kalaunan ay mauunawaan ka nila.

Sana’y magsilbing aral sa iyo ang iyong karanasan.
Dr. Love

Show comments