^

Dr. Love

Hinanakit

-
Dear Dr. Love,

Sumainyo po ang kapayapaan sa ngalan ng ating Panginoon.

Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong malaganap na pitak. Alam ko pong marami kayong mga tagasubaybay na tulad kong bilanggo. Kaya naman hindi ako nag-atubili na lumiham sa inyo para idulog ang aking problema sa buhay dahil alam kong kayo lang ang makakatulong sa aking problema.

Nakulong po ako sa salang murder dahil sa pagkakapatay ko sa isang tao na kamuntik nang magahasa ang kapatid kong babae.

Pero sa kabila ng pagtatanggol ko sa puri ng aking kapatid, ni minsan ay hindi ako dinalaw dito sa bilangguan ng aking pamilya.

Hindi ko po alam kung bakit. Sa loob ng pitong taon kong pagsisilbi sa hatol sa akin ay hindi ko sila nakita.

Minsan, naisip kong baka hindi nila ako tunay na anak o kaya’y isang ampon lang. Kasi sapul sa pagkabata, hindi ko naramdaman na minahal nila ako bilang isang anak. O kaya naman, mayroon lang silang paborito.

Natatandaan ko noong nasa high school pa ako, nakatanggap ako ng parangal bilang topnotcher sa klase pero hindi rin sila sumipot sa araw ng pagpaparangal.

Nagawa ko lang ang pagkakasala dahil ito lang ang alam kong pagtulong sa kanila.

Sa ngayon po, hindi ko alam kung may pamilya pa akong mababalikan sa sandaling lumaya na ako.

Tao man akong maituturing na isinuka, nangangahulugan ba itong hindi na ako matatanggap ng iba sa malayang lipunan?

Sa loob, marami akong natutuhan na hindi ko nalaman sa malayang lipunan.

Una pag-ibig sa Diyos, pagiging totoo sa sarili, pakikipagkapwa, mabuhay na mag-isa at hindi umasa sa iba.

Sana sa pamamagitan ng liham na ito, mabasa ng aking pamilya ang liham na ito para malaman nila ang damdamin ko at gayundin, sana magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Salamat po at more power to you.

Marlon Fernandez


Bldg. 2 Runner Dorm 237

MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Marlon,


Nauunawaan ko ang damdamin mo pero ang kasagutan sa mga katanungan mo ay puwede mong direktang ipaabot sa iyong nagisnang mga magulang at mga kapatid.

Kung hindi ka man nadadalaw sa kulungan ng mga miyembro ng pamilya mo, maaaring may ibang dahilan.

Hindi kaya nangangamba sila sa kanilang kaligtasan mula naman sa mga grupo ng mga kaibigan ng napatay mo o kaya’y sa mga kamag-anakan nila?

Itanong mo ito sa iyong kapatid o kaya naman ay sa ina mo sa pamamagitan ng liham.

Ang hinanakit na namamahay sa dibdib mo ay dapat mong pakawalan para maging ganap ang paglaya mo sa pinagsisisihan mong pagkakasala.

Mabuti naman at nagsisikap kang magbago, magbalik-loob sa Panginoon at higit sa lahat, magpakatotoo sa sarili na isang magandang indikasyon na naghahanda ka nang lubusan sa muling pakikisalamuha sa lipunan sa sandaling lumaya ka na.

Ipagpatuloy mo ito at malay mo, baka mapababa rin ang sentensiya mo.

Dr. Love

AKO

CAMP SAMPAGUITA

DEAR MARLON

DR. LOVE

MARLON FERNANDEZ

MUNTINLUPA CITY

PANGINOON

RUNNER DORM

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with