^

Dr. Love

Habang buhay, may pag-asa

-
Dear Dr. Love,

Lubos ang aking pananalig ngayon na ang isang tao ay hindi dapat mawalan ng pag-asa sa buhay kahit pa dumanas na siya ng katakut-takot na hirap at pasakit sa buhay kasama na ang kabiguan sa pag-ibig.

Nabago ang pananaw ko sa buhay mula nang mapasok ako dito sa bilangguan dahil sa pagkakaligaw ng landas.

Nagsimula akong mawalan ng inspirasyong mabuhay pa mula nang magkalayo kami ng aking kasintahan.

Dalawampu’t tatlong taon ako noon nang magtapat ng pag-ibig sa babaeng labis kong minahal na itago na lang natin sa pangalang Maryjoy.

Noong tinanggap niya ang aking inihaing pag-ibig, ang akala ko ay walang katapusan na ang aking kaligayahan.

Palagi kaming masayang dalawa. Bawat araw na magkasama ay punung-puno kami ng tuwa at lalong nag-ibayo ang aming damdamin sa isa’t isa.

Hanggang sa isinama niya ako sa kanila at ipinakilala sa kanyang mga magulang at kapatid.

Lingid sa aking kaalaman, may alitan pala ang pamilya namin. Tinutulan ako ng kanyang pamilya kung kaya’t para magkalayo kami ni Maryjoy, pilit na dinala siya ng kanyang mga kapatid sa Mindanao.

Dito na nagsimula ang aking kalungkutan. Nawalan na ng kuwenta sa akin ang buhay. Dito ako natutong magbisyo, nahinto ng pag-aaral at puro barkada na ang aking inatupag. Dala ng kawalan na ng pag-asa, naging mainitin ang ulo ko hanggang sa makapatay ako ng tao sa isang basag-ulong napasukan.

Humantong nga ako dito sa pambansang bilangguan. Pero dito ko natagpuan ang nawawala kong sarili. Sa pamamagitan ng panalangin at programa ng rehabilitasyon, unti-unti kong natanggap ang kamalian ko sa buhay na pinagsisisihan ko ngayon.

Mag-aanim na taon na po akong nakapiit. Ang dalangin ko, sana, mapalaya ako nang maaga at ngayon nga ay nabalik na ang tiwala ko ang aking sarili.

Ang tanong ko po, may pagkakataon pa kaya akong makatagpo ng isang babaeng iibig sa akin sa kabila ng aking madilim na kahapon?

Salamat po sa pagkakataong kaloob ninyo at more power to you.

Sumasainyo,

Dino Canillas Demetrio

Rm 11, 1-A Student Department,

YRC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Dino,


Salamat sa pagliliwanag ng iyong isipan.

Sa kabila ng panandaliang pagdidilim ng tinatahak mong daan, natutuhan mong tanggapin ang kamalian para yakapin ang daan ng pagbabago.

Yaman din lang at natanggap mo na ang pagkakamali mo ay bunsod ng kabiglaanan, matutuhan mong maging pasensiyoso at itakwil mo na ang masamang barkada at bisyo.

Sana, sa pamamagitan ng magandang asal, mapagaan pa ang hatol sa iyo at mabigyan ka ng pagkakataong makalaya kaagad.

Ituloy mo ang pagbabago at makikita mo, higit pa kay Maryjoy ang makikilala mo at matatanggap ka bilang ikaw.

Salamat sa pagtangkilik mo sa pitak na ito at sa PSN.

Dr. Love

A STUDENT DEPARTMENT

AKING

AKO

CAMP SAMPAGUITA

DEAR DINO

DINO CANILLAS DEMETRIO

DITO

DR. LOVE

MARYJOY

MUNTINLUPA CITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with