Isa pong mainit na pagbati mula sa likod ng mga rehas.
Naway ang grasya, pagpapala at kapayapaan ay sumainyo sampu ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Ako nga po pala si Victor Cadabero Sembrano, isang seaman subalit sa kasamaang palad ay napadpad dito sa pook na ni sa aking pangarap at panaginip ay hindi ko inisip na siya kong magiging tahanan.
Laking Visayas po ako at tumira lang ako sa Mindanao dahil nandito ang pinaka-opisina ng kompanyang pinagtrabahuhan ko.
Sa kasalukuyan po ay nandito ako sa loob ng Davao Prisons and Penal Farm dahil sa mga sirkumstansiyang hindi naiwasan.
Lumiham po ako dahil nais kong matulungan ninyong maipabatid sa aking mga kamag-anak at kaibigan na narito ako sa kulungan.
Hindi po kasi nila alam na nasa loob na ako ng mga rehas na bakal.
Malungkot po dito sa loob lalo na kung walang dumadalaw.
Hanggang dito na lang po at naway mailathala ninyo ang liham na ito.
More power and God bless you.
Gumagalang,
Victor Cadabero Sembrano
Maximum Security Compound,
D.P.P.F., Depacol,
Davao del Norte 8105
Dear Victor,
Salamat sa liham mo at sana, makaabot ang panawagang ito sa mga kamag-anak at kaibigan mo na hindi nakakabatid sa nangyari sa iyo.
Huwag mong kalimutang tumawag sa Maykapal sa gitna ng kawalang pag-asa. Hindi ka Niya pababayaan.
Tatagan ang loob mo at mawawala ang mga pangamba.
Samantala, pagbutihin mo ang rehabilitasyon at pagbabagong-buhay habang mataimtim na pinagsisisihan ang pangyayaring nagbunsod sa pagpasok mo sa kulungan.
Dr. Love