Nasa huli ang pagsisisi

Dear Dr. Love,

Sa iyo at sa libu-libo mong mga tagahanga, malugod akong bumabati at nawa’y datnan ka ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan. Ako po si Roel ng Puerto Princesa, Palawan. Nakapag-aral ako sa Maynila pero nang matapos ng kolehiyo ay nagbalik ako sa lalawigang aking sinilangan.

Bago ako napadpad sa Maynila, may kasintahan ako na isang kababata dito sa Puerto Princesa. Tawagin mo na lang siyang Maya.

Dahil kami’y kapwa bata pa noon, naging mapusok kami at nakagawa ng bagay na dapat lamang gawin ng mag-asawa. Kaya nang lumuwas ako ng Maynila para mag-aral, luhaan si Maya at masakit ang loob sa aming paglalayo.

Nang mag-aral ako sa Maynila ng kursong Accounting sa UE, patuloy ang aming pagpapalitan ng text ni Maya. Ngunit naputol ito matapos ang anim na buwan. Ang dahilan, nahumaling ako sa isa kong kamag-aral. Tawagin mo na lang siyang Cory. Nagkaroon kami ng relasyon ni Cory at pakiramdam ko’y mas mahal ko siya kay Maya. Tinetext pa rin ako ni Maya pero hindi ko sinasagot. Hanggang sa nagsawa na marahil siya at tumigil ng kati-text.

Tumagal ang relasyon namin ni Cory ng isang taon. Pero may natuklasan akong lihim. Playgirl pala siya at may dalawa pang lalaking may relasyon siya bukod sa akin. Nakipag-break ako agad kay Cory. Doon ko na-realize na nagkamali ako sa pagtalikod kay Maya. Agad ko siyang tinext para humingi ng sorry pero di na siya sumasagot.

Sinubsob ko na lang ang ulo ko sa pag-aaral hanggang sa magtapos ako. Hindi mo naitatanong, working student ako dahil patay na kapwa ang aking mga magulang. Nang magbalik ako sa Palawan ay si Maya ang una kong hinanap. Huli na ang lahat. May asawa na siya at dalawang anak.

Masakit. Gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Ano ang dapat kong gawin Dr. Love?

Roel


Dear Roel,


Huwag mong bayaang tumigil sa pag-ikot ang mundo mo. Life goes on. Masakit ang iyong karanasan pero iya’y kasalanan mo rin. Magsisi ka man ay di na maibabalik sa dati ang sitwasyon. Sikapin mong lumimot. I-practice mo ang iyong propesyon bilang accountant. Kung hindi ka pa eksaminado, mag-take ka ng board exam para maging CPA. Hindi mo nasabi ang edad mo pero palagay ko’y bata ka pa and you have a bright future ahead. Huwag mo itong sayangin.

Dr. Love

Show comments