Dalawang pag-ibig

Dear Dr. Love,

Bago ang lahat, isa pong taos-pusong pagbati ng Bagong Taon.

Ako nga pala si Herminigildo Samson, 28 taong-gulang at isang masugid na tagasubaybay ng inyong column.

Sumulat po ako para ibahagi ang kawalan ko ng pag-asang umibig na muli pagkaraang mawala sa akin ang dalawang babaeng minahal ko.

Lagi kasi akong bigo sa pagmamahal lalo na’t isa akong bilanggo dito sa Muntinlupa.

Minsan na kasi akong nagmahal nang todo-todo. Raquel ang kanyang pangalan at sa club kami nagkakilala. Isa akong disc jockey doon samantalang ang babaeng mahal ko ay isang Guest Relations Officer o GRO.

Hindi naging hadlang sa aming pag-iibigan ang kanyang trabaho. Ang alam ko lang, mahal ko siya. Nagbulag-bulagan ako sa nangyayari. Kahit na masakit, tiniis ko ang lahat.

Nalulong kasi siya sa droga. Matagal akong nagtiis. Hanggang sa nagising ako sa katotohanan na may lalaki pala ang kinakasama ko. Minsan sa bahay pa namin nangyayari ang lahat.

Hanggang nabuntis siya at ito ang hindi ko na natiis. Naisip kong ginawa niya ito para mamulat ang aking mga mata sa katotohanan.

Kahit masakit sa loob ko, lumayo ako. Naisip kong hindi pa huli ang lahat.

Lumipas ang mga taon at nakapag-asawa ako uli at mas matanda siya sa akin ng apat na taon at may anak sa unang asawa.

Dalawang taon lang kaming nagsama dahil binawian kaagad siya ng buhay dahil sa sakit sa puso.

Mahal na mahal ko siya kaya hanggang ngayon, heto pa rin ako, nalulumbay.

Sa kabila ng kasawian ko sa pag-ibig, umaasa pa rin ako na makakatagpo ng tunay na pag-ibig.

Sana po, mailathala ninyo ang liham ko para magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Hanggang dito na lang at sana kapulutan ng aral ng mga mambabasa ang kasaysayan ng aking pag-ibig.

Lubos na gumagalang,
Herminigildo "Jun" Samson
MSC Bldg. I Dorm 129,
Camp Sampaguita


Dear Jun,


Medyo may katagalan na ang paglalathala ng liham na ito pero, huli man daw at magaling, maihahabol pa rin.

Talagang balintuna ang pag-ibig, hindi mo maarok ang lalim at tindi ng epekto nito sa isang taong tumibok ang puso sa ngalan ng pag-ibig.

Anyway, kahit nawala sa buhay mo ang dalawang babaeng minahal mo, mapalad ka pa rin kasi nakaranas ka nang umibig at ibigin.

Hindi nga lang nagtagal ang pag-ibig na ito dahil ang isa ay natutong magtalusira at ang pangalawa, maagang pumanaw.

Sana hindi mo ituring na pawang kabiguan sa pag-ibig ang dinanas mo dahil sa pangalawang babaeng inibig mo, lumigaya ka nang husto kahit dalawang taon lang.

Ang unang babaeng minahal mo ay nilayuan mo dahil taksil sa iyo, ang pangalawa naman ay lumayo sa iyo hindi dahil sa pagtataksil kundi binawian na siya ng buhay ng Panginoon.

Idalangin mo ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa sa kabilang ibayo.

Magpakabuti ka nang husto at sa paglabas mo, sana matagpuan mo ang ikatlong langit.

Hangad ng pitak na ito ang kaligayahan mo sa hinaharap.

Dr. Love

Show comments