Nagbago ang ugali

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Tawagin mo na lang akong Mimi, 22-anyos. Noong ako’y 16 years old, lihim na nanligaw sa akin ang best friend ng aking nakatatandang kapatid. Tawagin mo na lang siyang Raffy. Matanda siya ng dalawang taon sa akin.

Dahil bata pa ako at ayaw muna ng mga magulang ko na makipag-boyfriend ako, naging secret ang aming relasyon. Mabait si Raffy. Ni holding hands ay ayaw niya dahil iginagalang daw niya ako.

Umabot ng tatlong buwan ang secret relation namin hanggang sa mabuking ng aking mga magulang pati na ng ate ko. Kusang nakipag-break sa akin si Raffy. Cool-off muna raw kami alang-alang sa kabutihan ng aking pamilya.

Nang tumuntong ako ng college, maraming nanligaw sa akin. Pero si Raffy pa rin ang laman ng puso ko. Pinayagan na akong makipagnobyo ng mga magulang ko basta’t iingatan ko lang daw ang isang bagay na di ko dapat ibigay sa aking kasintahan.

Sumunod ako sa payo ng aking mga magulang. Konserbatibo din naman ako at alam ko ang kahalagahan ng virginity. Nagkaroon ako ng bagong boyfriend pero hindi ako seryoso. Hanggang sa bumalik sa akin si Raffy. Nabuhay ang aming relasyon.

Pero nagbago na siya. Hindi na siya ang dating lalaking gumalang sa aking pagkababae dahil hinihingi na niya sa akin ang aking pagka-birhen. Dahil sa paulit-ulti kong pagtanggi, lumayo siya nang tuluyan sa akin. Wala kaming formal break-up. May isang taon na kaming di nagkikita ngayon. Masakit dahil mahal ko siya. Turuan mo ako kung ano ang gagawin ko.

Mimi


Dear Mimi,


Tama ang ginawa mong pagtanggi sa kagustuhan ni Raffy. Sayang. Dapat sana’y mas pahalagahan ka niya dahil iniingatan mo ang isang bagay na nararapat lang ipagkaloob matapos kayong makasal.

Hindi ikaw ang nawalan ng mahalagang bagay kundi siya. Huwag kang magbabago ng pananaw sa buhay. Alam kong darating ang araw na matatagpuan mo ang tamang lalaking mamahalin at magmamahal sa iyo.

Dr. Love

Show comments