Isa pong masaganang pangungumusta.
Sana po ay datnan kayo ng liham kong ito na kayo at lahat ninyong mahal sa buhay ay nasa mahusay na kalusugan at kalagayan sa pamumuhay.
Ako po ay si Alejandro D. Santos, 33 years-old at kasalukuyang nakakulong sa bilangguan sa Dapecol, Davao del Norte.
Narito po ako ngayon dahil sa isang masaklap na pangyayaring naganap noong 2001. Bunsod po ito ng aksidente kong pagkakapatay ng tao.
Ako po ay nasampahan ng kasong homicide at nahatulan ng pagkabilanggong 14 taon.
Lubos po ang aking kalungkutan sa nangyari. At napagtanto ko rin na hindi pala biro-biro lang ang kalagayan sa piitan.
Ang lungkot ay higit na nararamdaman dahil sa malayo ako sa aking mga mahal sa buhay: mga magulang, kapatid at kaibigan.
Napakasakit na isipin na sa isang iglap na pagkalimot at pagpipigil sa sarili, ang kapalit ay masaklap na pagkakapiit at kawalan ng kalayaan.
Pero, ang nangyari ay hindi na puwedeng ibalik sa dati. Pagsisihan ko man ang naganap na aksidente, wala na rin akong magagawa.
Sa mga sandali ng kalungkutan, nagmumukmok na lang ako sa isang sulok at ipinagdarasal ko na lang ang kaluluwa ng aking napatay na sanay tanggapin sa langit. Inihihingi ko rin po ng kapatawaran ang aking nagawang pagkakasala.
Sana po, ang aking kasaysayang ito ay kapulutan ng aral ng lahat ninyong mambabasa.
Sa kuwento ng aking karanasan, makikitang ang pagdalus-dalos na aksiyon ay hindi nararapat. Ngayon ko lang natanto na ang desisyon pala ay dapat munang pag-isipan ng maraming beses.
Salamat po sa paglalathala ninyo sa liham kong ito.
Alejandro
Dear Alejandro,
Salamat sa liham mo at sa pagsubaybay sa pitak na ito.
Talagang walang pagsisisi sa una kundi laging nasa huli at ito ngayon ay natanto mo na dahil sa masaklap na pangyayaring naganap sa iyong buhay.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Kahit na nakagawa ng pagkakasala na sinasabi mo namang hindi mo sinadya, ang puspusang pagsisisi sa pagkakasala ay may katugon ding paggaan ng damdamin. Puwede ka pa ring mapatawad sa pagkakasala kung bukal sa loob ang pagsisisi.
Sana, matagpuan mo ang hinahanap mong kapayapaan ng kalooban.
Dr. Love