Magandang araw sa inyo at sanay nasa mabuti kayong kalusugan sa pagtanggap ninyo ng aking sulat. Tawagin niyo na lamang akong Helen, isang waitress sa isang malaking restaurant.
Hindi mataas ang inabot ko sa pag-aaral kung kaya dito lang ako bumagsak sa pagiging waitress. Okay lang ang kita dahil sa tip. Mga galante ang customer na lalaki lalo pat maganda ang nagsi-serve sa kanila. Madalas, kumikita ako ng extra P500 isang araw sa tip lang.
May manliligaw ako ngayon. Matanda siya sa akin ng 15 taon at isa siyang mayaman. Ang problema ko ay may asawa na siya. Pero ang pangako niyay ibabahay ako at susustentuhan pati ang aking pamilya.
Dahil sa hirap ng buhay, parang gusto ko nang pumatol. Tutal, pogi naman siya at hindi mukhang matanda.
May boyfriend ako sa probinsya pero katulad ko ring isang kahig isang tuka. Ibig ko namang umasenso Dr. Love. Ano ang gagawin ko?
Helen
Dear Helen,
Puwede ka namang umasenso sa ibang paraan bukod sa pagpatol sa may-asawa. Kung susundin mo ang udyok ng damdamin, maaaring guminhawa ang iyong buhay pero paano ang pamilyang iyong wawasakin?
Ilagay mo ang katayuan mo sa babaeng aagawan mo ng asawa. Hindi ka ba masasaktan kung ikaw ang pagtataksilan? Huwag mong gawin sa iba ang bagay na ayaw mong mangyari sa iyo.
Sa extrang kinikita mo na P500 a day, puwede kang mag-impok para pagdating ng araw ay may maipuhunan ka sa negosyo. Mababa man ang iyong pinag-aralan, walang dudang aasenso ka kung magtitiyaga ka sa halip na humanap ng shortcut sa pag-asenso.
Dr. Love